ANG TUNAY NA LIDER AY MAHINAHON AT MAPILI SA PANANALITA

Nakapanlulumo ang kasalukuyang nangyayari sa takbo ng politika sa bansa, kung saan nagiging masyadong personal na ang basehan ng paghayag ng opinyon, ng puna at kritiko. Mukhang nalilihis na ang mga politikong inihalal ng mamamayan upang mamuno at igiya ang sambayanang Pilipino at Pilipinas patungo sa ikabubuti nito. Ang higit pang nakakadismaya ay mismong mga nasa tuktok ng liderato ang kinariringgan at nakikitaan ng di katanggap-tanggap na mga pahayag at hindi maganda ehemplo.

Ang kamakailang mga pahayag ng ikalawang pinakamataas na pinuno ng bansa na si VP Sara Duterte-Carpio ay tunay ngang nakakagulat, lalo’t galing sa isang edukada, pangalawang pinakamataas ang posisyon sa gobyerno at “minsang” naging kaibigan/kaalyado ng nakaupong pangulo ng bansa. Ang may panggagalaiting pahayag na nasaksihan ng buong sambayanan maging ng buong mundo na “pupugutan” niya ng ulo si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang pangakong huhukayin ang labi ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. na
ama ng nakaupong pangulo at itatapon ang bangkay sa West Philippine Sea ay hindi lubos maisip at nakakadismaya.

Ang kaniyang “pagbulahaw” ay nagmula lamang sa kaniyang binalikang insidente sa pagtatapos sa Philippine Military Academy (PMA) ng paghingi ng isang kadete sa relo ng pangulo at tinanong siya kung bakit niya ito hinihingi na ikinaani ng pagtawa ng mga taong nakapalibot, na sa isip ni VP Sara ay napahiya umano ay kadete. Kung tutuusin ay napakaliit na bagay ang insidente na pagmumulan ng pagbatikos ni VP Sara kay PBBM, ang totoo ay nag-ugat ang naging “mapait” nang relasyon ng dalawa sa pag-aakala ni VP Sara na may kinalaman ang palasyo sa di-umano’y panggigipit sa kaniya ng Kongreso at mga kaalyado ng Pangulo (na inaakala rin niyang hindi siya ipinagtatanggol ni PBBM).

Bagamat pinupuna niya si PBBM sa diumano’y kabiguan nitong pamunuan tayo, dapat din niyang harapin ang kinakaharap niyang pagsisiyasat lalo na ang tungkol sa kung paano niya pinamamahalaan ang kaniyang mga pananagutan at ang mga pondong nasa kaniyang kamay. Kapansin-pansin na sa kabila ng kaniyang mataas na posisyon at malaking kapangyarihan ay patuloy siyang tahimik sa pagbibigay detalye sa kung ano ang nangyari sa mga pampublikong pondo sa panahon ng kaniyang panunungkulan. Sa isang kapaligiran kung saan ang “pagiging
bukas” (transparency) ay napakahalaga, ang kaniyang pagtanggi sa pagdedetalye ng paggasta ng pampublikong pondo ay nagpapainit pa sa higit na katanungan kaysa sa mga sagot.

Ang nagliliyab na mga pananalitang ito ni VP Sara ay nagbubunga ng malubhang alalahanin tungkol sa kaniyang paghatol at sa pangkalahatang katatagan at kagandahang-asal sa loob ng pinakamataas na antas ng pamahalaan. Ang ganitong sayusay ay nakamumuhi na animo nag-uudyok ng karahasan at nagpapakita ng nakakabahalang kawalan ng paggalang sa kasaysayan at sa mga taong humubog nito (anuman ang palagay ng isang tao sa iniwan nilang pamana). Ang hayagang pagbantaan ang integridad ng libingan ng isang dating pangulo ay magpapalala lamang sa pagkakahati-hati ng bansang nagsisimula muling magkaisa. Ang ganitong pananalita ay nagbabanta na ilubog ang bansa sa kaguluhan sa halip ng itaguyod ang pagkakaisa at magkaroon ng makabuluhang pag-uusap sa mga Pilipino.

Ang pagkalas ni VP Sara sa administrasyon ni PBBM at kalaunay ang pagtiklop sa kanilang pagkakaibigan ay iisa lamang ang naging maliwanag na mensahe – nais niyang pamunuan ang bansa at maging susunod na pangulo. Marahil ay napagtanto niya na hindi siya ang mapipisil ni PBBM na dadalhin ng administrasyon sa 2028, kaya minabuti niyang kumalas at makipagbrasuhan na lamang sa kapangyarihan. Ngunit kung ang isang lider ay bababa sa kagaya ng isang barbaro sa kanilang pananalita ay marahil dapat nating pagdudahan ang kanilang ugali at pagiging angkop para sa tungkulin. Tama ang sinabi ng isang komentarista sa isang pahayagan na ang pampulitikang diskurso ay dapat nakabatay sa dignidad at paggalang, lalo na kapag tinatalakay ang mga sensitibong paksa.

Walang duda na matunog talaga ang pangalan ni VP Sara sa pagkapangulo sa 2028, ngunit ang hindi-angkop niyang mga pahayag bilang nasa posisyong susunod na mamumuno sa bansa ay lubhang nakakabahala at pagdududahan ang kaniyang abilidad sa pamumuno at pagkontrol ng kaniyang temperamento. Ang kaniyang hamon na kung hindi ititigil ang panggigipit sa kaniya ay pupugot siya ng ulo at magtatapon ng bangkay sa karagatan at ang pag-utos na humingi si Pangulong Bongbong Marcos Jr. ng paumanhin sa mga naapektuhang miyembro ng KOJC ay labis-labis na para sa isang pinagpipitaganang pangalawang pinakamataas na opisyal.

Hindi kaya si VP Sara ang dapat humingi ng paumanhin sa kaniyang mga binibitawang salita? Ayon nga sa ROMA 13 ng Magandang Balita Biblia : Ang bawat tao’y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila’y nararapat sa parusa. Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot.

Amianan Balita Ngayon