Ano ba ang dapat mangyari sa West Philippine Sea?

Sandamakmak na ang mga usapin, sigalot, banatan, rekomendasyon, upakang-dila, siraang puri, at etsetera pang mga karumaldumal na lengguahe na ginamit na dahil lang sa isyu o tensiyon sa West Phil. Sea.

Iisa ang pinupuntirya ng litanya ng prusisyong ito: hindi sa simbahan kundi sa gulo. Kung bakit, sige, luray-lurayin natin. Pero bago ang lahat, bato-bato sa langit.

Ilang administrasyon na ang nakaraan di ba, meron na ang isyu ng claims o gustong ariin ang mga teritoryo sa karagatan partikular ang mga teritoryo ng Pilipinas. Hindi lang Tsina ang may muhon diyan. Marami pang bansang kalapit natin ang gustong maglagay din ng muhon at boundary.

Ang kaso, nakauna na ang Tsina kasi may mga istraktura na sila sa ilang sinakup na teritoryo na ika nila, kanila daw yon base sa kanilang mapa. Ayon naman sa mapa natin, hindi. Atin daw yon.

Mag-isip-isip kayo, at baka pagmulan yan ng gulo o mas masahol – giyera! Kawawa naman ang mundo. Bakit mundo? Eh kung lumala ang tensiyon diyan at nagbatuhan ng bala ng kanyon, missile at nuclear warheads, gubat kabsat, giyeraaaa!

Mundo ang wawasakin nito, hindi lang Pilipinas at Asya. Batid ba natin ito? O, gusto lang nating umepal at manggulo? Mag-isip-isip kayo mga pards. Hindi lang kayo ang tao sa mundo. Huwag naman ilagay sa inyong talampakan ang mga utak ninyo kung meron pa.

Marami kasing mapupusok. Ewan lang kung may nagdidikta o dahil may kita. Ang gusto nila, kilos agad na kahit di pa man naiimbestigahang maigi ang isang isyu gaya ng nangyari sa Recto Bank.

Sabi nga ni Pres. Duterte, hintayin nating matapos ang imbestigasyon ng Tsina hinggil sa insidente bago tayo kumilos. Ang masaklap, inuunahan ng ilang kababayan natin ang legal na sistema. Tuloy, pinapalabas na duwag o walang bayag ang Pilipinas.

Sobra na ire, mga pards, ilagay naman natin sa legalidad ang lahat. Ang problema diyan sa West Phil. Sea ay namana lamang ng kasalukuyang administrasyon. Eh, ganito na lamang ang pagtuligsa at diin laban sa ating pangulo? E, bakit di natin balikan ang nakaraan?

Tinuligsa ba natin ang walang nagawang mga nagdaang administrasyon kung ang sigalot sa agawan ng teritoryo ang eksena? Bakit tayo ngayon dakdak nang dakdak kumo si Digong ang nakaupo. Kaya tuloy, sa ngitngit na ng pangil ng pobreng si Digong ay nasabi niyang kung gusto ng Amerika na magkagiyera, sige, sila na ang unang magpaputok kontra China sa West Phil. Sea at manunuod na lang tayo.

O, di ba? Karuwagan ba yan, pards? Duwag ba si Digong? Hindi kami maka-Digong kundi makamasa tayo. Pero ilagay naman natin sana ang lahat sa legal na punto. Hindi ang padalos-dalos na pagkilos kasi tayo ang magiging talunan, di ba?

Alaala ko pa ang isang hamon ng isa ring sikat na Pinoy na dikit daw kay Digong: kung sino ang mga galit sa ginawa ng mga dayuhan lalo na sa ating mga mangingisda.

E, di sila ang pumunta sa lugal at iwagayway ang kanilang laban kontra Tsina? Sila na ang prontalang lumaban at makipagtuos.

Meron kaya sa kanila ang gagawa ng ganyang hamon? Kung di nila kaya, sila ang duwag di ba? Kaya tigilan na kasi ang ngakngak o dada.

Ayusin natin ang aksiyon upang hindi mabutata.

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon