Ano ba talaga ang dahilan ng away?

Dahil sa umiinit na isyu ng diumano’y red-tagging sa mga celebrity, personalidad, institusyon,
organisasyon, militante at progresibong grupo na mga aktibistang aktibong bumabatikos at
masidhing kritiko ng kasalukuyang gobierno lalo na kay Pangulong Rodrigo Duterte ay
nagsasagawa ang Senado ng pagdinig ukol dito. Kahit pa lumantad na at nagsalita na ang ilang
mga dating miyembro ng New Peoples Army (NPA) na siyang armadong bahagi ng Communist
Party of the Philippines (CPP) at politikal na pakpak nito at legal front na National Democratic
Front (NDF) na ibinunyag nilang kasama o kasapi ang mga lider at mga Partylist Congressmen na
kabilang sa Makabayan Bloc sa Kongreso sa CPP-NDF-NPA ay tahasang itinanggi at patuloy na
itinatanggi ng mga tinukoy ng mga Kongresista.
Ang red-tagging o red-baiting sa Pilipinas ayon sa Wikipedia ay tumutukoy sa malisyosong
pagbla-blacklist ng mga indibiduwal o organisasyon na kritikal o hindi lubos na sumusuporta sa
mga aksiyon ng nakaupong gobyerno o administrasyon. Ang blacklisting na ito ay itinuturing
ang isang puntirya na isang komunista o terorista o pareho, anuman ang aktuwal na paniniwalang
political ng isang tao o kinaanibang grupo. Ang blacklisting ay isang uri ng panunulsol o paguudyok
at may mapanirang epekto sa mga puntirya nito. Tinutukoy naman ng Oxford Living
Dictionary ang red-tagging ng panliligalig o pag-uusig sa isang tao dahil kilala o pinaghihinalaang
simpatya sa komunismo. Sa kaniyang sumasalungat na opinion sa Zarate ve Aquino III ay
binanggit ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen ang isang artkulo sa 2011 journal
na naglalarawan sa red-baitig bilang “ang pagkilos ng pag-label, pagba-brand, pagbibigay ng
pangalan at pag-aakusa sa mga indibidwal at/o organisasyon ng pagiging maka-kaliwa, subersibo,
komunista o terorista (ginamit bilang) isang estratehiya…ng mga ahente ng Estado, partikular na
mga ahensiyang nagpapatupad ng batas at military, laban sa mga itunuturing na ‘banta’ o ‘kaaway
ng Estado’.” Pakahulugan naman ng International Peace Observers Network (IPON) na ito ay
“isang gawa ng mga aktor ng Estado, partikular ang mga ahensya na pagpapatupad ng batas, na
hayagang bigyan ng tatak ang mga indibidwal, grupo, o institusyon bilang … kaalyado ng
komunista o mga maka-kaliwang terorista.”
Sa kaniyang pampublikong pagpapahayag ay tuwiran ng sinabi ni Pangulong Duterte na
hindi nila (gobyerno) nirered-tag ang mga kongresistang kabilang sa grupo ng party-list na
Makabayan bloc (Bayan Muna, Gabriela, Alliance of Concerned Teachers at Kabataan) kundi
tinutukoy at kinikilala sila bilang komunista. Na bahagi sila ng malaking sabwatan at mga kaibigan
ng NPA kaya sila ay mga komunista at matagal na raw niyang alam ito. Ang 12 organisasyon sa
ilalim ng Makabayan ay ang Bayan Muna, ACT Teachers, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, Katribu,
Migrante, Akap-Bata, COURAGE, Piston, Kalikasan, at Aking Bikolnon.
Muling itinanggi ng mga tinukoy ang paratang ng Pangulo at sinabing pagtatakip lang daw
ng Pangulo sa kawalang-kakayahan at sa makabubluhang problema ng bansa ngayon na pilit
silang pinipilayan upang patahimikin lalo na sa kanilang aktibong papel bilang mga mambabatas
sa Kongreso. Direktang banta raw ang paratang na mismong galling sa Pangulo, na sa kaniyang
walang basehang akusasyon ay nagiging hukom, hurado at berdugo sa paglalagay ng batas sa
sariling kamay.
Nais lamang daw ng Pangulo na talikuran na ng mga tinatawag na legal fronts ang armadong
karahasan at maging totoo na aminin ang kanilang kaugnayan sa Communist Party of the
Philippines (CPP). Dahil ang pagiging kaanib lamang sa CPP ay hindi krimen ngunit hindi daw
maihihiwalay ang NPA dahil ito ang armadong pakpak ng mga rebeldeng komunista. Ang krimen
daw ay ang NPA dahil paghihimagsik (rebellion) ito laban sa gobyerno.
Ayon sa Commission on Human Rights (CHR), ang buhay ng mga hindi armadong grupo ay
nanganganib kung mali silang natutukoy bilang komunista. Para sa mga hindi armado na kung
nagpapakita lamang ng kanilang konstitusyunal na kalayaan ay malaya silang gawin ito, ngunit
ang panganib sa red-tagging ay malawak ito at panlahatang konklusyon, kahit armado ka man o
hindi. Wala pang hayag na deklarasyon ang mga korte kung sino ang mga terorista kaya pinagiingat
ng CHR ang gobyerno laban sa pagrered-tag sa mga indibidwal na hindi gumagamit ng
armas laban sa gobyerno.
Kalahating siglo na ang giriian, labanan ng CPP-NPA at gobyerno ng Pilipinas at marami na
ring nagdaang Pangulo ang sumakit ang ulo dahil dito. Lahat sila ay magkakaiba ang tugon sa
problema ngunit iisa lamang ang adhikain – tigil putukan at kapayapaan. Subalit magpahanggang
ngayon na halos lahat yata ng paraan ay nagawa na ay tila hindi na matapos-tapos ang suliraning
ito, ano ba talaga ang dahilan?

Amianan Balita Ngayon