APAT NA ESTUDYANTE HULI SA PAGBIYAHE NG MARIJUANA

Headlines

SADANGA, Mountain Province – Apat na estudyante mula sa Marikina City ang nadakip habang ibinibiyahe ang P990,000 halaga ng pinatuyong marijuana bricks,sa isinagawang police checkpoint ng magkasanib na tauhan ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA),noong gabi ng Abril 26.

Nabatid kay PDEA Regional Director Gil Cesar Castro, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa concerned citizen na may magbibiyahe ng marijuana na lulan ng black Toyota Avanza wagon type na may conduction sticker no. P8S390, mula sa Kalinga, padaan ng Mountain Province-Baguio City patungong Metro Manila.

Ayon kay Castro, nagsagawa ng police checkpoint sa may Sitio Ampawilen, Poblacion, Sadanga, Mountain Province at hinarang ang papadating na sasakyan dakog alas 11:00 ng gabi ng Lunes.

Lulan ng sasakyan ang apat na kalalakihan na nakilalang sina Dan Mark Roa Delos Reyes, student, 21; Lorence Bautista Ignacio, student, 21; Vince Marwie Cruz Robles, student, 21 and John Cesar Padilla, 20, pawang residente ng Barangay Parang, Marikina City.

Nakuha sa kanilang sasakyan ang 8 bricks ng dried marijuana; dalawang small ball shape ng marijuana at isang tubular form ng marijuna fruiting tops, na may kabuuang timbang na 8,250 grams at may kabuuang halagang P990,000.

Noong Biyernes, dalawang local tourist mula sa Sta.Mesa, Manila ang naharang din sa magkaparehong lugar, matapos tangkang ipuslit ang P3 milyong halaga ng dried marijuana bricks na lulan ng Black Toyota Sedan.

Nakilala ang mga suspek na sina Louigie Erguiza Param at Bernard Hope Poyaoan Bravo II, kapuwa ng 22 taong gulang at nakatira sa Sta. Mesa, Manila.

Zaldy Comanda/ABN