Aral sa Mahal na Araw, mahapdi!

Kung baga sa kurot ng pagibig, kaiba ang hapdi ng kurot ng Mahal na Araw.  Paano at bakit kaiba ang kirot? Masalimuot at may kurot ang bawat sandali ng mga nagdaang mga “Mahal na Araw” o ang “holy week”. Ating isasalang sa gunita ang ilan, mga pards:

*****

Alaala pa natin ang mga malalagim na mga biyahe ng mag-aaral at mga turista sa iba’t ibang tourist destinations sa bansa. Isa na rito ang Baguio City. Ilang taon na ang nakararaan, isang sasakyan ng mga turista o bisitang estudyante ang naaksidente sa daang patungo sa lungsod ng Pino. Marami ang nasawi. Sinundan din yan ng aksidente ng mga bisita pa rin sa naturang lungsod kung saan marami ang nasawi. Sa katuwaang masilayan at madama ang kakaibang ligaya sa taas ng kabundukang ito, nagreresulta naman ito ng lungkot sa mga biktima ng mga aksidenteng di sukat akalain na magaganap. Ilang prominenteng mga tao ang nangawala dahil lamang sa paghahanap ng kapiranggot na ligaya. Tsk tsk, aksidente raw. Tanong: sa mga malagim na aksidenteng naganap, may hustisya kayang bunga ng isinagawang mga imbestigasyon? O, nauwi na lang sa areglo? Baka hanggang sa ngayon di pa lutas ang kaso. Pero ang muli at muling pag-akyat ng mga turista sa kabundukang ito ay nagpatuloy. Parang nawala ang takot. Nawala ang pangamba. Nalimot diumano ang paghahanap ng hustisya sa mga aksidenteng naganap. Haay buhay nga naman. Parang kailan lang. Pero heto tayo muli ngayon. Dahil ”holy week” muli, panibagong pananabik sa pamamasyal dulot ng mahabang bakasyon.

******

Alaala pa rin natin ang mga kasayahan at ngilin sa “Mahal na Araw” sa iba’t ibang beach resorts sa ating bansa. Laging may nabibiktima sa karagatan. Alaala pa natin na ilang mga taga-Kordillera na inuwing bangkay mula sa mga beach resort ng rehiyon uno. Kakilala pa natin ang mga pamilyang biktima. Sa kasiyahang makapunta sa beach resorts na wala naman kasi sa ating lungsod, nagiging bunga ito ng pagsisisi kahit huli na. Pero hindi ito nagiging hadlang upang muling nauulit ang pagtatampisaw sa magagandang beach resorts sa lowlands. Nagiging parang panata na yata ito sa mga taga-kabundukang walang dagat. Kahit na may hapdi pa ring sumusundot dahil sa mga aral ng pagkalunod at mga aksidente sa nakaraan, parang nagmimistulang palamuti na lamang ito ng lumipas na luha na dapat ay magkaroon naman ng paghilom. Walang iniwan ito sa ginawa ng isang  matalik na kaibigan at katiwala ni Hesus nang dahil sa ilang piraso ng pilak, Siya ay ipinagkanulo upang mamatay sa Krus sa Kalbaryo. Sa ngayon ang pilat na yun sa tagiliran ng Poong Hesus ay mistulang naghilom na bagamat ang hapdi at kirot ay damdam pa rin natin. Sa madaling pangaral: di malilimot ang aral ng nakaraan kahit pilitin mo mang iwaglit.

******

Alaala pa rin natin ang ilang mga aral ng “Mahal na Araw” nang dahil lamang sa tawag ng pagsasaya at upang makalayo sa nakakapasong kinagisnang buhay sa kalunsuran ay ginugugol ang “holy week” sa malalayong lugar sa piling ng pamilya’t kaibigan. Ang masaklap ay pagsisi kapag may bungang mahapdi. Ayon sa tala ng kapulisan, maraming kabahayan ang naging biktima ng mga “akyat bahay” o salisi habang wala ang mga nakatira. In short, marami ang nagsasamantala habang ang mga bantay ay wala at naroong nagsasaya sa malalayong lugar. Nasa huli na ang pagsisisi. Paulit-ulit naman ito ay nagaganap, parang hindi natitinag ang marami pati na mga naging biktima na nito. Walang itong pinag-iba  sa ngilin at aral ng Mahal Na Araw.  Marami ang nagpepenitensiya (kuno), humihingi ng kapatawaran at sumusumpang magbabago na. Pero pagkatapos ng “Mahal Na Araw”, sumige sila ulit sa paggawa ng kasalanan. Meron nga diyan, lumuhod na parang Santo sa loob ng simbahan at pagkatapos, sinikwat na ang bag ng aleng katabi saka binirahan ng “goodbye”. Meron ding mga alam na makasalanan dahil kurakot, dumidipang nakatingala sa langit na humihingi ng patawad. Pero pagkatapos, kaliwa’t-kanang kurakot ulit. Busitt! Limot na ang sumpa. Haayy buhay, kailan kaya tayo tunay na magbabago? Paano tayo maililigtas ng bawat pagsisisi at paghingi ng tawad kung paulit-ulit naman tayong nagiging taksil sa bawat sumpang binitawan? Ahhh ewan! Iyo ang iyong konsiyensiya. Sa iyo ang bukas. Sa Panginoon ang panghuling hatol. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon