Araw ng Kalayaan, Hunyo 12 ba o Hulyo 4 – Pagbabagong sama-samang balikatin

Editorial

Tuwing Hunyo 12 ay ipinagbubunyi natin ang ating kalayaan mula sa mga mananakop. Subalit tunay na ba tayong malaya? Nasanay na nga tayong ipagdiwang ang isang kalayaan na napakarami pa ring Pilipino (lalo na mga kabataan) ang hindi alam ang tunay na pangyayari sa likod ng deklarasyon ng “kalayaan” at ang mga maling idinulot nito sa ating kasaysayan at estado.
Sa simula pa lamang ay nagkaroon na ng panloloko at pagbaluktot sa tunay na pangyayari sa ating kasaysayan (isa lamang ang petsa ng kalayaan). Marahil tama nga na ang Pilipinas ay nilikha ng Espanya dahil sa kabutihan man o kasamaan ay kung walang pananakop ng Espanya ay wala ring pulo-pulong lupaing Pilipinas na inaangkin nating atin at sentro ng usapin ngayon.

Ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang Araw ng Kalayaan sa petsang ito dahil sa naging deklarasyon ni Heneral Emilio Aguinaldo na malaya na tayo mula sa Espanya noong Hunyo 12, 1898. Subalit ang proklamasyon ay ipinawalang-bisa ng Treaty of Paris na kung saan ay ibinigay (o ibinenta?) ng Espanya ang Pilipinas sa Estados Unidos sa halagang $20 milyon lamang. Dahil dito ay naging pag-aari ng Estados Unidos ang Pilipinas mula Disyembre 10, 1898 hanggang Hulyo 4, 1946 ng ideklara nito ang kalayaan at kalauna’y pagiging republika, ito raw ang “tunay na kalayaan.” Nang maging Pangulo si Diosdado Macapagal ng republika ay inisyu niya ang Proclamation 28 noong 1962 na kinatigan ang walang-bisang proklamasyon ni Aguinaldo na naging Repulic Act No. 4166, pinalitan ang Hulyo 4 sa Hunyo 12 at iniutos sa lahat ng Pilipino na ipagdiwang ang Araw ng Kalayaaan sa Hunyo 12.

Sa librong ‘Philippine History and Government, Through the Years’ na isinulat nina Francisco M. Zulueta at Abriel M. Nebres ay tumanggap si Heneral Emilio Aguinaldo at ang mga rebolusyunaryo ng amnestiya na inialok ni Gobernador-Heneral Primo de Rivera ng Espanya sa Pact of Biak Na Bato. Ibig sabihin nito ay ang pagtigil ng rebelyon na kung saan nabayaran ang mga nasugatan at binigyan si Aguinaldo ng P400,000 at magtago’t manirahan sa Hong Kong. Habang nasa Hong Kong ay nakilala niya si Commodore George Dewey na nakikipaglaban noon sa Espanya at naisip niyang matutulungan siya ng Amerika na makuha ang kalayaan ng Pilipinas mula Espanya, ipinagpatuloy niya ang rebelyon at bumili ng mga armas sa Singapore at bumalik sa Pilipinas noong Mayo 19, 1898 at wala pang isang buwan ay idineklara na niya ang kalayaan noong Hunyo 12, 1898 sa Kawit, Cavite.

Ang deklarasyon ng kalayaan na ito ay hungkag dahil parang hindi tayo magiging malaya sa sarili natin kung hindi sa tulong ng ibang bansa. At ang masama pa dito ay hindi kailanman kinilala ng mga awtoridad ng Espanya at Amerika ang gobyerno ni Aguinaldo o ni kinilala ng mga komunidad ng mga bansa sa buong mundo. Sa katunayan ayon sa mga lathala ay hindi rin kinilala ng buong Pilipinas ang kaniyang pagka-Pangulo. Ang mga Pilipino sa labas ng rehiyong Tagalog kahit alam o hindi ang nangyayaring kaguluhan sa pulitika na nangyayari sa sentro ng bansa mula pa 1896 ay maaaring hindi nalaman o narinig ang deklarasyon ng kalayaan sa Kawit- ay susuportahan kaya ito?

Ang Tydings-Mcduffie Law na ipinasa ng US Congress na nagbigay kalayaan diumano sa Pilipinas noong Hulyo 4, 1946 ay inaprubahan ni Pangulong Manuel L. Quezon at Pangalawang Pangulo Sergio Osmena na walang pagtutol kahit pa nataong parehong petsa ay kalayaan din ng Amerika mula sa Britania. Subalit ang kalayaang ito ay may kapalit pala dahil may napaloob sa Bell Trade Act ng 1946 na nagpako sa Piso natin sa kapangyarihan ng Dolyar.

Hindi na nga tayo sakop ng Amerika subalit nasa ilalim at loob pa rin tayo ng kapa ng mga makapangyarihang lobong maninila. Ngayon, ay maituturing ba nating naging malaya tayo? Magiging malaya pa kaya tayo? Sana kahit sa pagbago man lang sa isang butil ng kasaysayan gaya ng pagtama sa pangyayari at petsa ay makamit natin, marahil may pag-asa pa. Pmcjr.