“Asian Factor” sa Bakuna ikonsidera

Community Billboard

Hinimok ni Senador Imee Marcos ang pamahalaan na bigyan rin ng timbang ang mga Covid-19 vaccine na ang pag-testing ay sinalihan ng mas maraming taga-Asya. “Bukod sa presyo at kadalian ng pag-imbak at paggamit, hindi rin natin dapat balewalain ang Asian factor sa pagpili ng pinakaligtas na bakuna para sa mga Pilipino,” ayon kay Marcos.

Tinukoy ni Marcos na mas mababa sa 5% ang lumahok na mga taga-Asya sa mga tinatawag na efficacy trials o pag-testing sa bisa ng tatlong
nangungunang kandidatong bakuna na inaprubahan na sa mga Western countries.

Sa report ng U.S. Food and Drug Administration, tanging 4.7% lang ang mga taga-Asya na lumahok sa Moderna vaccine trials, habang sa lathala naman ng medical journal na The Lancet nasa 4.4% lang ang mga Asian na lumahok sa vaccine trials para sa AstraZeneca.

Bagamat nangunguna ang Pfizer sa pinaka epektibong bakuna na may 95% na bisa matapos ang pag-testing nito, 4.3% lang ang kabilang na Asyano sa mga lumahok sa testing, at ang bisa ng bakuna partikular sa mga hindi puti ay mas mababa na nasa 74.4%.

Sinabi din ni Marcos na ang kawalan din ng malinaw na listahan ng mga lahing Asyanong kalahok sa vaccine trials ang nag-udyok sa mga health expert sa India para manawagan na dapat mas marami ang pangkat-etniko na kasali sa testing bago aprubahan ang mga Westernmade na bakuna.

“Maaaring ipasadya ang bakuna sa mga darating na taon,” dagdag ni Marcos, sabay banggit sa nailathala noong Disyembre ng Massachusetts Institute of Technology (MIT). Gamit ang artificial intelligence at bakunang kahalintulad ng sa Pfizer at Moderna, natukoy ng MIT researchers na mas malabong tumalab sa mga Asyano ang ineksperimentong bakuna kumpara sa mga puti.