ATTY. ANTHONY MARK DULAWAN EMOCLING BULAG KA MAN, DAIG MO ANG MARAMING MAY PANINGIN

Sa tuwing sasapit at lalabas ang mga resulta ng isang isinagawang pagsusulit sa pagka-abogasya o ang tinatawag na Bar exam ang pinakahihintay na malaman ay kung sino-sino ang pumasa at kung sino-sino ang mga Bar Top-notchers. Marami na ang mga pangalang nag-ukit ng mga kauna-unahan sa Bar exam, subalit ang lahat ng ito ay napalis nang gulatin tayo ng isang “kauna-unahang bulag na nakapasa sa Bar exam”, na bagama’t hindi napasama sa pinakamataas na marka ay tunay namang nakamamangha na kung tutuusin ay daig pa ang isang top-notcher. Baka kung hindi
naging bulag si Emocling ay baka naiba na ang resulta ng Bar exam.

Kilalanin natin si Anthony Mark Dulawan Emocling, produkto ng University of Baguio School of Law na isang kauna-unahan sa kasaysayan ng Philippine Bar examinations na itinuturing na isa sa pinakamahihirap na pagsusulit ay napagtagumpayan ang mga hamon sa kabila ng pagiging isang bulag. Naipasa niya ang 2022 Bar examinations na ika-1,407 sa kabuuang 3,992 pumasa sa pagsusulit. Habang maraming kuwento ang karapatdapat sa kanilang sariling papuri, si Emocling
ay naging isang bukal ng inspirasyon sa marami. Si Atty. Anthony Mark Dulawan Emocling ay nagmula sa angkan ng Ibaloi ng Benguet at Iloko, anak ng isang taxi driver at nawalan ng paningin sa kaniyang kabataan sa edad na sampu.

Inamin niyang napakahirap ang pinagdaanan niya sa pag-aaral at hanggang sa Bar exam dahil sa kaniyang kapansanan at kahirapan sa buhay. Kailangan niyang pag-ibayuhin ang pagsisikap ng isang regular na estudyante sa abogasya upang makaagapay gamit ang isang reading software sa computer reading law books para sa kaniya. Mas mahirap pa raw sa kaniya ang maging isang law student dahil sa kakulangan ng mga materyales na angkop para sa mga may kapansanan sa paningin na mga estudyante sa abogasya dahil walang nakahandang mga libro para sa mga bulag at idagdag pa ang pangungutya at agam-agam sa mga taong bulag.

Sa kabila ng lahat ng ito ay hindi siya nawalan ng pag-asa dahil naging inspirasyon niya ang kaniyang pamilya na hindi bumitaw sa kaniya at lubos ang naging suporta at tumulong sa kaniyang pag-aaral. Ngayon na magiging isa siya sa pinaka-inspirasyunal na abogado ay nangangarap si Emocling na magtataguyod para sa mga karapatan ng tao, lalunglalo na para sa mga taong may kapansanan na pinapaniwalaan niyang lubos na nangangailangan ng tulong mula sa mga abogadong gaya niya. Ang kuwento ni Anthony Mark ay isang patunay sa lakas ng pagsisikap at
pagtitiyaga at nagsisilbing isang paalala na sa determinasyon, paniniwala sa sarili at pagpapagal ay lahat ay possible kahit ano pang mga hamon ang haharapin.

Maging pamukha sana ang naging tagumpay ni Atty. Emocling sa lahat lalo na sa mga kabataan
na walang kapansanan at may kakayahan namang mag-aral ay naiba ng landas at nakakalungkot pa ay naging pabigat sa lipunan. Maging inspirasyon at motibasyon sana ang kuwento ni Emocling sa mga may kapansanan na hindi pa katapusan ng buhay dahil sa kanilang taglay na kapansanan, huwag panghinaan ng loob at huwag ibaba ang mga sarili bagkus ay pamarisan ang naging tapang ni Atty. Anthony Mark Dulawan Emocling. Tingnan sana ng gobyerno sa pangunguna na National Council on Disability Affairs (NCDA) na mas lalong makatulong sa mga Pilipinong may kapansanan upang magkaroon pa tayo ng mas maraming Anthony Mark Dulawan Emocling, hindi lamang sa abogasya kundi sa iba’t-ibang larangan at maging katuwang, responsable at
nakakasamang mamamayan tungo sa lalo pang pag-unlad ng Pilipinas.

Amianan Balita Ngayon