Babala ng health official, nakakaadik ang vaping

Pinanindigan ng City Health Services Office (CHSO) na ang vaping ay nakakaadik at nagsisilbing daan upang humantong ang mga tao sa paninigarilyo.
Ayon kay City Health Officer Dr. Rowena Galpo, ang vapes ay mayroong nakakaadik na nicotine na nagbubunsod sa mga vapers na dagdagan pa ang paggamit at nagreresulta sa pagkaadik.
Idinagdag nito na kapag hindi na nakakasapat ang nicotine sa vapes para sa indibidwal na gumagamit nito ay nagtutulak upang tuluyan na itong manigarilyo.
Ayon kay Galpo, na namumuno sa Smoke Free Baguio Task Force, ang nicotine ay isang cardio-vascular stimulant na maaaring magbigay sa mga naninigarilyo ng sakit sa puso, maliban sa iba pang mga sakit.
“We continue to raise our position on the proposal of vapers in the city for the regulation of vaping instead of being included as part of totally banned activities similar to smoking. Vaping is still dangerous to the health of the vapers,” giit ni Galpo.
Sinabi ng city health officer na ang agresibong pagpapatupad ng mga deputized law enforcers at public order and safety enforcers sa comprehensive anti-smoking ordinance ay nagkaroon ng positibong resulta lalo na sa pagdidisiplina sa mga menor de edad para huwag manigarilyo.
Aniya, nakompleto ng task force ang nauukol na mga pagsasanay para sa district health centers at napiling barangay officials at volunteers na magpapatupad sa anti-smoking ordinance sa 128 barangays ng lungsod upang makamit ang inaasam na smoke free Baguio.
Dagdag ni Galpo, ang city health office ay magde-deputize ng mga piling barangay officials at volunteers upang mag-monitor at magpatupad sa anti-smoking ordinance sa kanilang mga nasasakupan.
Ang Ordinance No. 34, series of 2017, ay naaprubahan noong May 2017 ngunit nasimulan lamang na ipinatupad ngayong 2018 matapos ang agresibong public information and education campaign ukol dito.
Maliban sa mga naninigarilyo, inilahad ni Galpo na maraming establisimyento ang nasita at pinagmulta sa ilalim ng anti-smoking ordinance.
Hinimok nito ang mga residente, mga bisita at lalo na ang mga menor de edad na mahigpit na sumunod sa naturang ordinansa upang makaiwas sa mga sakit na maaaring kumitil ng buhay. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon