Babuyan sa Baguio, ipagbabawal na

Bibigyan lamang ng sapat na panahon ang mga may-ari ng babuyan sa lungsod upang mapalaki at maibenta ang kasalukuyan nilang inaalagaang mga baboy bago tuluyang ipagbawal ang pagkakaroon ng piggery.
“Dito sa urbanized area, talaga pong bawal ang piggeries,” pahayag ni City Environment and Park Management Officer Cordelia Lacsamana sa City Hour noong Hunyo 5, 2018.
Ito ay matapos nagsagawa ng inspeksyon sa mga lugar sa lungsod na may piggeries.
Kamakailan ay nilagdaan ni Mayor Mauricio Domogan ang Administrative Order (AO) No. 43, series of 2018, na nag-uutos sa pagbuo ng isang task force upang malaman ang bilang ng piggeries sa mga barangay sa paligid ng Balili River.
Ang piggeries ang isa sa mga nakikitang dahilan ng lumalalang polusyon sa naturang ilog at pagbaba ng kalidad ng hangin kaya tinututukan ito ng CEPMO at Environment Management Bureau (EMB).
Ayon kay Lacsamana, ang mga nag-aalaga ng baboy ay hinihimok na humanap ng ibang pagkakakitaan dahil talagang ipinagbabawal ng batas ang piggeries sa urban areas na katulad ng Baguio City.
Dagdag pa niya, hindi lamang dapat ang mga babuyan ang dapat bantayan kundi bigyang pansin din ang iba pang mga hayop na pinaparami at inaalagaan, maging ang mga basurang tinatapon na nagdudulot ng pagdumi ng ilog. FRIA PILORIN, UC Intern / ABN

Amianan Balita Ngayon