Bagong Banta

Opinion

PAANO NA ITO, nandyan pa pala si Omicron na ngayon ay nagkasupling ng dalawang subvariant at ngayon nga ay sumasalanta na sa NCR Metro Manila? Ilang linggo pa naman tayong nagpaka-kampante at binabaleng walang bahala ang sitwasyon. Kundangan kasi, tuloy tuloy ang dagsa ng mga tao sa labas ng bahay.

Aba eh, nung kampanya na lamang, paramihan ng madlang pipol ang labanan. Kapag nakaisang milyon ang dumalo, nakihiyaw, naki-wagayway, malaking pwesta na.

Ang mga babala ng mga eksperto ay bunsod na rin ng umaakyat na kaso (na naman) ng covid. Slight uptick, ika nga. Ibig sabihin, konting angat lamang. Hindi pa naman makakapagdulot ng tunay na pangamba. Pero hindi kaila ang mga sinasabing babala. Tunay na may mga bahagyang pagtaas ng mga kaso, gayong ayon na rin sa mga nagbibigay ng babala, wala pa naman daw sa peligro.

Basta, ang paniwala natin ay ang pandemya ay naririto pa sa atin, patuloy na nananalasa, patuloy na binibigyan ng pangamba ang mga Pinoy. Hindi katulad ng mga naunang buwan at taon, tayo naman ay tila hindi nababahala. Anuman ang variant na nandyan, na iba’t iba ang pangalang ibinibinyag, dedma pa rin tayo, hindi gaanong kinakapitan ng takot, tuloy ang lakad ng buhay tungo sa bagong normal.

Ngunit ngayong nakaraang mga araw, kapansin-pansin ang biglang pagdagsa ng madlang pipol — lalo na ang hindi pa nabibigyan ng booster shot makaraang matapos ang 2 dosage ng bakuna — sa mga lugar ng bakunahan. Nandyan pa rin ang mga barangay at bukas naman daw ang mga health center upang maturukan ng kinakailangang bakuna.

Tandaan natin na noong Enero ngayong taon, nanalasa si Omicron, na dali-daling sinundan ng ibang sibol na variant. Dedma pa rin tayo. Tuloy ang agos ng pagsulong at pagahon. Mismong mga eksperto na rin ang nagbigay ng pang-pakalma na not at risk na ang Pinas. Low risk na daw ang sitwasyon. Yun pala, umidlip lamang si Omicron. Kumuha ng panibagong bwelo, nagsilang ng mga mas mabilis pang makahawang subvariant.

Ngayon, dagsa ang madlang pipol, nag-uunahang makamit ang mga booster shot. Idagdag mo pa ang takot na baka mapaso ang mga bakunang sandamakmak sa mga vaccination center, ay talaga namang hindi ka na magpapaiwan. Sugod na rin! Ilang araw nitong mga nakaraang linggo ay parang lumang pelikula ang palabas, at ang mga parukyano ay matumal ang dating. Parang napanood na , parang nadaanan na ang karanasan na makapanood ng pelikulang paulitulit ng ipinalalabas.

Kaya ngayon, kandaugaga ang mga pangunahing abala upang mairaos na ang booster shots sa higit na mas marami pang naturukan. Kung nasa 75 milyon na ang babakunahan ng primary shots, bakit nga ba ang booster ay naituturok pa lamang sa 12 milyon. Anyare?

Sana naman, yung mga kwalipikadong magpa-booster shot, humayo na at magpaturok. Walang kapila-pila, di tulad nang ang bakunahan ay para sa unang dalawang doses. Makapipili ka pa ng ibabakuna sa iyo — Moderna, Pfizer, Aztra Z at Sinovax. At pinakaimportante: walang bayad ang pagpapaturok, maging sa halaga ng itinuturok sa iyo. Side effects? Sisiw na sisiw. Ilang oras lamang ang pananakit ng brasong naturukan. Sisiw talaga.

Hindi maikakaila na matindi, lubhang matindi, ang mga susunod na araw at taon ng muling pagbangon. Ganito dapat ang mapanatili: lakasan ang loob.

Patibayin ang dibdib. At parating isaisip ng mga nanunungkulan ang bigat ng mga hamon. Trabahong nawala, negosyo napurnada, ekonomiyang nalugmok, serbisyong abot-langit ang pangangailangan na maiangat. Sa mga hindi pinalad, balik-buhay na! Ang tatlong taon ay napakaikli.

Pag-gising mo sa mga susunod na araw, kampanyahan na naman. Ang mahalaga, ating pagtulungang maibalik ang tiwala ng sambayanan sa gobyernongtapat, sa serbisyong seryoso, at sa pamumunong ramdam ang karakter, ang kakayahan, at ang katapatang matupad ang pagiging maayos na lungsod. Mga katoto, lungsod ng pino an gating tinutukoy. Angat Tayo Baguio! DapatLigtasAhon.