Bagong daan magkokonekta sa Apayao at Ilocos Norte, binuksan na

Provincial

KABUGAO, APAYAO – Isang bagong daan na magkokonekta sa rehiyong Cordillera partikular ang mas mataas na munisipalidad ng Apayao sa Ilocos Norte ang binuksan na.

Pinangunahan ni Apayao  Governor Elias Bulut Jr. kasama ang mga miyembro ng Regional Development Council sa pamumuno ni Department of Interior and Local Government-Cordillera Assistant Regional Director Araceli San Jose at mga opisyal ng Kalinga sa pangunguna ni Vice Governor James Edduba ang paputol ng ceremonial ribbon para opisyal na buksan ang Apayao-Ilocos Norte o ang Kabugao-Calanasan-Solsona Road.

Isinagawa ito tamang-tama sa yugto ng Apayao ng Cordillera Unity Gong Relay sa mga probinsiya ng rehiyon na bahagi ng selebrasyon 31st Cordillera Month.

Ang 64.24 kilometrong Apayao-Ilocos Norte project mula Kabugao na dadaan sa Kalanasan papuntang munisipalidad ng Solsona, Ilocos Norte ang pinakamaikling daan mula Apayao tungo sa Laoag City na hindi na dadaan sa Cagayan Valley.

Ang daan na nasa ilalim ng programang Build, Build, Build ng administrasyong Duterte ay inaasahang lubos na makukumpleto sa 2019.

Sinabi ni DPWH Project Engineer Raymund Ferrer na kung makukumpleto ang bagong daan, ang tagal ng biyahe mula Kabugao papuntang Laoag, Ilocos Norte ay magiging higit tatlong oras kumpara sa mahigit anim na oras na biyahe na dadaan sa Kabugao-Pudtol-Luna Road at sa mga munisipiyo ng Cagayan at Ilocos Norte. ABN