Bagong hamon para sa bagong Ama ng Lungsod

“Hinimok ako ng isang maimpluwensiyang tao na tumakbo. Naniniwala daw siya na malaki ang magagawa ko.” Ito ang ibinunyag ni Mayor Benjamin “Benjie” Magalong na opisyal nang uupo bilang ika-27 alkalde ng Lungsod ng Baguio sa Hunyo 30, 2014 mula 1937.

Sa kabila ng pag-aatubiling pumasok sa mundo ng pulitika ay tinanggap niya ang hamon at napatunayang hindi nga nagkamali ang “maimpluwensiyang tao” sa paghimok kay Magalong na tumakbo at nanalo sa malaking agwat ng boto – para sa isang bagito.

Ngayon ay may mga bagong hamon ang haharapin niya, ang napakatagal ng mga problema ng lungsod. Ayon kay Mayor Magalong ang mga problema sa trapiko, basura at polusyon at iba
pang problema ay nag-ugat sa pagkabigo ng lokal na pamahalaan na ipatupad ang master development plan ng lungsod.

Dapat daw magkaroon ng isang strategic plan na may short-term at long-term na mga solusyon upang tugunan ang mga poblemang ito.

Inamin din niya na hindi kaya ng pamahalaang lungsod na mag-isa na ayusin ang mga problema kaya kailangan ang pakikipagtulungan ng mga residente.

Ang mga saligang pamantayan ni Mayor Magalong para sa mas mabuting pamamahala ay nakasandig sa isang plataporma ng transparency, accountability, ethics at integrity.

Itatatag ang isang sistema ng pamamahala na nakabase sa paggawa. Ipinangako rin niya ang mabilis na aksiyon ng gobyerno kung saan ang mga serbisyo ay handa, madaling makuha at makakaya ng tao.

Tatanggalin ang mga polisiyang matagal na paghihintay ng tao dahil sa mahabang pila sa kanilang transaksiyon. Muling pasisiglahin ang kapaligiran na pangungunahan ng gobyerno ang pagpapaigting ng proteksiyon, preserbasyon, konserbasyon, at panumbalikin ang umuunti ng likas na yaman.

Lilikha at magpapatuad ng pangmatagalang solusyon na masisigurong maibigay ang pinakaakmang solid at liquid waste management sa pinakamababang gastos.

Simple lang daw ang layunin – siguruhin na ang mamamayan ay may malinis na hangin, ligtas na inuming tubig, at access sa rasonableng presyo ng pagkain. Isusulong din ang agrikultura sa lungsod sa mga residente.

Makabagong pamamahala ng kapayapaan at kaayusan ang adhikain dahil sa lumalaking populasyon ng lungsod. Mga makabagong solusyon gaya ng “Safer Cities” technology ang gagawin.

Para sa epektibong pamamahala ng trapiko ay kailangang gumawa ng mas epektibong sistema sa pamamahala ng trapiko sa pamamagitan ng isang matatag na aplikasyon ng 4-E’s, Enforcement, Engineering, Education at Enactment na dadaan sa kaukulang lehislasyon.

Ang disiplina sa daan ng mga motorista at pedestrian ay dapat ikintal sa kanilang isip. Ang sidewalks ay dapat mabago ang disenyo at mahigpit na para sa tao lamang. Ang mga pasilidad sa traffic signals ay dapat pinapanatiling maayos at isusulong din ang paglalakad.

Tumutugon na programa sa edukasyon kung saan palalakasin ang mga hakbang sa pagpapanatili sa kakayahan ng lungsod bilang isang sentro ng de-kuwalidad na edukasyon sa lahat ng antas.

Ang pangkalahatang layunin ay magkaroon ang lungsod ng mga nagtapos na lubos na nasanay para maging responsableng mamamayan, may kamalayang moral, may kakayahan sa negosyo, industriya, at mga propesyon. Tututok sa pagpapahusay ng mga pasilidad at faculties at pagpapalawig ng kasalukuyang scholarship grants sa mga karapat-dapat na estudyante.

Ipapalaganap ang Alternative Learning System, himukin ang pag-aaral ng Tech-Voc at maglaan ng mas maraming scholarship para sa mahihirap.

Bigyan-kakayahan ang kabataan upang magkaroon ng responsibilidad na moral at mas handa sa kanilang pagtanda. Ang programa ay tututok sa leadership skills training, sports, at iba pang
diverse alternative programs.

Dapat mahimok ang kabataan na makilahok sa mga aktibidad sa anti-crime, anti-drug, at anti-juvenile delinquency. Magtatatag ng mga pasilidad na magiging convergence centers.

Pagpapalawak ng mga serbisyo sa kalusugan at panlipunan kung saan isusulong ang kalusugan ng publiko, kapakanan, at mga programang tulong kabuhayan sa mahihirap na sector ng lipunan, mga matatanda, may kapansanan, kababaihan,kabataan at mga anak at iba pang napagkaitan ng oportunidad.

Layunin na pahusayin ang kasalukuyang barangay health centers na nagbibigay ng libreng serbisyo. Makinabang ang sektor ng mahihirap sa pinalawak na programa sa pangkabuhayan sa pamamagitan ng cooperative-based micro, small, and medium enterprises sa pakikipagtulungan ng kinauukulang national line agencies.

Responsableng turismo na magdadala sa pagpapanibagong-anyo ng pagtataguyod ng turismo na gagawing ibinabahaging aktibidad sa pangangalakal sa mga stakeholders hindi lamang sa Baguio kundi sa mga karatig bayan ng Benguet.

Sa binuong pangkalahatang programang ito at ang kaniyang pagharap sa bagong hamon ng kaniyang karera ay mapapatunayan ni Mayor Benjamin Benjie” Magalong na hindi nagkamali ang mamamayan ng Baguio at ng “maimpluwensiyang tao” na hinimok at pinaupo siya na bagong ama ng lungsod kung matutupad ang lahat ng ito. Nawa’y makahinga na tayo ng preskong hangin.

PMCJr.

Amianan Balita Ngayon