BAGONG HEPE, BAGONG OPERATOR NG SUGALAN SA NUEVA VIZCAYA

Eksaktong isang buwan nang hepe ng pulisya sa Nueva Vizcaya si Col. Jectopher D. Haloc ngayong Linggo, Nobyembre 3, 2024. Bilang namumuno sa Camp Saturnino Dumlao, nagpakita na siya ng tikas ukol sa mga pasugalang nagaganap sa kanyang kinasasakupan. Hindi tikas o gilas upang masawata ang salot na “pwesto pijo” o semi-permanent na sugalan ng color games, pula’t puti, beto-beto, drop ball at iba pa sa may Nueva Vizcaya
Agricultural Terminal (NVAT) sa bayan ng Bambang, kundi bilis na pagtalaga kay “Alyas Rey Guilao” bilang operator.

Nasa likod ni “Rey Guilao”, na taga-Bambang, ang dalawang matataas na lokal na opisyal ng bayan kaya wala nang
magawa kundi tumango-tango na lang si PD Haloc. Samantala, kung sa “pwesto pijo” matikas si Haloc na mang-rigodon, kaabang-abang kung ano ang diskarte ni PD Haloc sa bookies jueteng operation ni Raul Longgasa na nagtatago sa tabing ng Small Town Lottery (STL) operation ng King’s 810 Gaming Corporation (KGC).

Sabagay, katulad naman niyang Colonel, retirado nga lang, ang nangangasiwa sa STL-Nueva Vizcaya na nagngangalang Marlon P. Gauiran. Palulundagin din kaya ni PD Haloc si Raul Longgasa at maglalagay ng bagong bookies operator, gayong malapit ang sindikato nito sa mga makapangyarihang ­personalidad  ng  Nueva Vizcaya? Baka tumango na lamang si PD Haloc upang manatili ang Longgasa bookies operation, tutal malalaman naman niya sa kalaunan na mas pabor kaysa tinik sa KGC ang jueteng bookies kasi ang operator ng KGC ay siya rin ang
nagpapatakbo sa bookies? Doble kabig kung baga.

Tatango rin ba bilang pag-apruba sa performance ni PD Halog si Cagayan Valley police regional director Brig. Gen.
Antonio P. Marallag Jr.? Malamang kaysa sa hindi, dahil magrereklamo si PD Haloc kung bakit mamaliitin ni RD
Marallag ang tikas at bilis nitong umaksyon, kumpara sa mga iba pang mga police director ng Cagayan, Isabela, at
Quirino na kung saan ay naglipana din ang “pwesto-pijo” at iba pang peryahan-sugalan (pergalan) na protektado ng sabwatang lokal na gobyerno at pulis.

Amianan Balita Ngayon