BAGONG HERITAGE PARK BINUKSAN PARA SA ASIN FESTIVAL 2025

DASOL, Pangasinan

Sa isang makulay na selebrasyon, pormal na binuksan ang Asin Festival 2025 sa bagong Heritage Park, na magiging sentro ng selebrasyon at magsisilbing parke ng komunidad sa bayan ng Dasol,Pangasinan, noong Pebrero 19.
Inihayag ni Mayor Rizalde “Sandong” Bernal na ang parke ang magiging pangunahing lokasyon ng mga kaganapan para sa kanilang Town Fiesta, habang ang Convention Center ay kasalukuyang nasa ilalim ng konstruksyon.

Sa pagbubukas ng Asin Festival 2025, dumalo ang mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan, mga government
officials, at non-government organizations, kabilang ang Salt Maker Association at mga senior citizens, na lahat ay
nagbigay ng suporta sa kanilang bayan. Ang Heritage Park, na naging sentro ng pagdiriwang, ay isang simbolo ng pag-unlad at pagkakaisa ng mga Dasolano. Binigyang-diin ni Councilor Jon Ray Aseo, Executive Committee Chairman, ang kahalagahan ng taunang pagdiriwang. “Ito ay pagkakataon upang ipakita ang ating kultura at pagpapahalaga sa mga biyayang natamo ng bayan.”

Bagamat nagkaroon ng hamon sa kapaligiran dahil sa pag-ulan bago ang pagdiriwang, ipinahayag ni Aseo ang kanilang determinasyon na patuloy na pagandahin ang Heritage Park para sa mga susunod na okasyon. “Sana sa susunod na apat na araw ay hindi po uulan upang maidaos natin ng matagumpay at masaya ang ating Fiesta.” Sa unang araw ng Asin Festival, puno ng sigla at ingay ang Heritage Park sa pamamagitan ng mga talento ng mga Dasolano. Pinangunahan ng Drum and Lyre Exhibition ang selebrasyon, kung saan lumahok ang limang paaralan:
Don Marcelo Jimenes Memorial Polytechnic Institute, Eguia National High School, Dasol Elementary School, Dasol
Integrated School, at Dasol Catholic School Inc.

Ang bawat grupo, na binubuo ng humigit-kumulang 100 miyembro, ay nagbigay ng 15 minutong pagtatanghal ng kanilang husay sa pagtugtog at pagsayaw. Mula sa mga batang nag-aaral sa elementarya, nagbigay ang mga “bulilit” ng isang makulay at masiglang sayaw na may temang “Kultura ng Dasol: Salamin ng Bawat Puso at Pamayanan.”
Ang kanilang tradisyunal na kasuotan at makukulay na props ay nagdagdag ng buhay sa pagdiriwang. Nagtapos ang unang araw ng Pista sa isang Community Night, kung saan isang orchestra ang nagbigay ng musika at aliw sa mga Dasolano, na isang paggunita sa kanilang kapistahan bilang panahon ng pasasalamat sa mga biyaya at tagumpay ng bayan.

Ayon kay Mercilita Peralta, isang senior citizen at residente ng bayan ng Dasol, “Talagang hindi pa tapos ang aming Convention Center at naiintindihan naman namin iyon!” Ipinahayag niya ang tiwala na ang Heritage Park ay mananatiling ligtas at maganda bilang venue para sa mga mahahalagang kaganapan, kahit na patuloy ang pag-unlad ng mga imprastraktura sa kanilang lugar. Inaasahan na ang bagong Heritage Park ay hindi lamang magiging tahanan ng mga susunod na kaganapan kundi simbolo rin ng patuloy na pag-unlad ng bayan ng Dasol, kasabay ng pag-unlad ng kanilang pangunahing produkto na asin. Ang parke ay magiging sentro ng kultura, tradisyon, at pagkakaisa para sa mga susunod na henerasyon.

Joshua Ebalane/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon