BAGONG LIDERATO NG KAGAWARAN NG EDUKASYON MALAKI ANG INAASAHAN DITO

Sa kabila ng kamakailang malawakang pagkasira sanhi ng mga bagyong Butchoy at Carina at ng habagat ay halos lahat ng mga paaralan sa buong bansa ang nagbukas noong Hulyo 29 para sa pagsisimula ng school year 2024 2025 kung saan haharapin parin ng mahigit 18.3 milyong estudyante, mga guro at mga magulang gayundin ang iba pang stakeholders ang parehong mga luma at ilang mga bagong problema. Ang muling pagbubukas ng mga paaralan sa taong ito ay isang buwang mas maaga kaysa noong 2023 bilang bahagi ng agresibong plano ng gobyerno upang ibalik ang lumang school calendar sa taong 2025.

Gaya ng nakaraang mga taon ang paghahanda para sa pagbubukas ng klase ngayong taon ay nasira ng mga hamon, kapwa ng likas at gawa ng tao. Sinabayan pa ng biglang pagbibitiw ni VP Sara Duterte bilang kalihim ng kagawaran ng edukasyon na nagdulot ng pag-udlot sa mga plano at hakbang na ikabubuti ng kagawaran. Sa kabilang banda ay tila nakabuti ang pagbibitiw ni VP Sara upang makapili si Pangulong Bongbong Marcos ng papalit na mas lubos ang kakayahan na pangunahan ang pinakamalaking burukrasya ng Pilipinas at ang primerang pag-asa ng mga kabataan para sa magandang kinabukasan at gayundin maiangat ang estado ng edukasyon na kalauna’y ikalalago ng ekonomiya ng bansa – pinili niya si Senator Edgardo “Sonny” Angara.

Sa pagkahirang kay Angara ay hinimok ni PBBM ito na tutukan ang pagpapabuti ng pagkakaroon ng empleyo ng mga estudyante matapos ang kanilang pag-aaral at magtrabaho ng Mabuti upang mapahusay ang mahinang pagganap ng mga Pilipinong estudyante lalo na sa STEM na ipinakita ng kamakailang international assessment eaminations. Dahil sa pagbabago sa klima at iba pang mga isyu ay pinabilis ang pagpapabalik sa dating school calendar ng Hunyo hanggang Marso dahil sa matinding init ng panahon na napipilitang suspendihin ang mga klase.

Ang palagiang pagkakasuspinde ng mga klase sanhi ng mga bagyo, sakuna na karaniwan nag ginagawang evacuation centers ay taon-taon ng nakakabalam sa mga pag-aaral at napansin na hanggang ngayon ay hindi pa natutugunan ang pagpapatayo ng matitibay na gusali na angkop at kayang tumagal sa hamon ng masasamang panahon at sakuna na idagdag pa ang kakulangan ng mga sildi-aralan. Andiyan pa rin ang hindi sapat na mga sahod ng mga guro, ang kakulangan sa mga makabagong kaalaman at kasangkapan sa pag-aaral, ang mahina at mabagal na internet at ang talamak na korapsiyon sa loob ng burukrasya.

Sa pag-upo ni Angara bilang kalihim ng kagawaran ng edukasyon ay marami ang umaasa na may mga mababago sa sistema ng edukasyon ng bansa, at bilang isa sa may pinakamalaking badyet na sangay ng gobyerno (bagama’t may nakukulangan pa rin) ay magkaroon sana ng tunay na pagbabago sa kalidad ng edukasyon ng bansa na hihintayin at susubaybayan natin sa loob ng apat na taon.

Amianan Balita Ngayon