Bagong mayor, dama ang masidhi at tapat na paglilingkod

LAOAC, Pangasinan – Sa eksklusibong panayam ng mga correspondent ng ABN sa bagong halal na alkade ng bayang ito, sinabi niya na sa kaniyang pagsisiyasat sa kalagayan ng pamahalaang lokal ay napakaraming dapat isaayos at bigyang prioridad upang ganap na maisakatuparan ang hinahangad na progreso at kaunlaran sa nasabing bayan.

Ayon kay mayor Ricardo D. Balderas, sa pagsabak niya sa politika bilang isang lingkod ng bayan ay pangunahing binibigyan niya ng pansin at agarang aksyon at solusyon ay ang kalagayan ng mga magsasaka sa kanilang bayan dahil produkto siya ng isang pamilyang magsasaka at alam niya ang hirap kung papaano at ano ang buhay ng mga magsasaka dahil naranasan niya ang matulog sa gitna ng palayan at maisan kasama ang kaniyang ama.

“Sa bayang ito, dati ay walang second crop, at sa aking pakikipag-ugnayan sa mga magsasaka sa, mga opisyal ng mga barangay at sa mga opisyal ng mga karatig-bayang Binalonan at Asingan ay nagawang mapadaloy ang sobrang tubig mula sa irigasyon dito at San Roque Dam patungo sa bukirin sa aming bayan upang magkaroon ng second cropping ang mga magbubukid,” aniya.

Ayon pa kay Balderas, ngayong mayor na siya, mas madali niyang maisasagawa at maisasakatuparan ang mga pangunahing programa at proyekto tulad ng pagsasaayos at pagsesemento ng mga kalsada, farm to market roads, paglalagay ng mga drainage canal, pamamahagi ng mga gamot at pagtulong sa pagpapagamot sa mga may sakit na naghihikahos sa buhay, Scholarship Program para sa mga mahihirap na disiplinadong mga kabataan kahit walang maintaining grades basta rekomendado at may sertipikasyon mula sa punong barangay.

Sinabi rin ni Balderas na sa pamamagitan ng “tax mapping” ay ang mga naatasang Local Government Employees (LGU’s) ang mismong pupunta sa mga barangay na maningil ng buwis upang maiwasan ang pagkaantala at makabayad sa takdang panahon, hindi maiipon at hindi lalaki ang pagkakautang sa buwis dahil sa ayaw at sa gusto ay sisingilin din ito ng pamahalaan at ito ay dapat maunawaan ng mga mamamayan dahil ito ay para na rin sa kabutihan at kaginhawahan ng lahat.

Samantala, ang mga negosyong nasa pamamahala ng LGU, tulad ng Super Store, Dairy Farm at iba pa ay masusing isinasagawa ang pag-imbentaryo.

Kamakailan, sa inspeksyon na pinamunuan ni municipal councilor Darwin Rodillas, sa nasabing Dairy Farm pa lamang ay kinakitaan ito ng malaking pagkalugi na tinatayang nasa apat na milyong piso (Php4M) na.

At upang hindi tuluyang malubog sa pagkakautang ang kaban ng bayan sa hindi kumikita, walang pakinabang, pahirap at pagpapagod na walang saysay sa mga kawani o trabahador dito ay maaaring ipatigil o ipaupa sa mga pribadong indibidwal ang pamamahala sa mga ito upang tiyak na ang buwanang kita na papasok sa pamahalaang lokal, paglalahad pa ni Balderas. Sa pagsusumikap at pagpupursige kaagapay ang pamilya, aniya.

Si Balderas ay nakapag-aral sa Holy Child Academy sa bayan ng Binalonan at sa University of Baguio kung saan siya ay nagtapos bilang isang Civil Engineer at pinalad na makapagtrabaho sa National Irrigation Administration (NIA) sa loob ng 30 taon na kasama ang mga magsasaka.

Dianne P. Palomar/Prisco de Guzman/ABN

Amianan Balita Ngayon