BAGONG MUKHA NG UMAGA

WALA NG PAGAGAM ang buong kamunduhan na papalapit na ang bagong umagang matagal ng hinihintay, ang tuluyang pagtuldok sa pandemyang lampas 2 taon ding nagpaluhod at nagpadapa sa
buong sangkatauhan. Narito nga ngayon ang mismong World Health Organization na buong kumpyansang nagpahayag na nasa kabilang dako ng madilim na karimlan ang bagong umaga.

Kaya naman, kapansinpansin na unti-unti ng nawawala ang pagkabantulot ng mga Pilipinong hilahod na
sa hirap, bagama’t marami ng mga restriksyon ang winalis na sa ating buhay — labas-masok sa mga gusali ng wala ng agamagam, malayang pumapasyal, dala ang pamilya sa mga parke at pahingahan.
Oo nga at noong una, bakas na bakas ang bantulot na pagtanggap ng mamamayan na alisin ang facemask sa kanilang mga mukha kapag nasa outdoor setting.

Habang binabagtas natin ang maikling ruta ng mga pangunahing daanan, mapapansin na ang face mask
ay patuloy pa ring ginagamit na pantakip ng mukha. Ginawa ng opsyonal o boluntaryo ang pagsusuot nito ni PBBM, ayon na rin sa rekomendasyon ng national IATF. Ngunit, heto, nandoon pa rin ang facemask,
tinatabingan ang ilong at bibig, tulad ng lampas 2 taon ng paggamit nito. Ngayong mismo ng W.H.O
ang nagbigay ng positibong pananaw sa aandap-andap na hininga ng pandemya, baka bukas makalawa ay sisilang na ang bagong umaga na ang pagmumukha ay binasbasan ng bagong pag-asa.

Huwag na nating pagtakhan na mayroon pa ring tayong mga kapwa tao na alumpihit sa pagtanggal ng
face mask. Hindi sorpresa na hanggang ngayon, mayroon pa ring agamagam ang sinoman. Tutal
naman, natiis natin ang lampas 2 taon ng pagsusuot ng face mask, sa loob man at labas ng tahanan, bakit nga naman isusugal pa ang buhay na iningatan ng kay tagal. Eh ano kung mismong ang W.H.O. ay
nakabuo na ng paniniwala na hindi na sisikatan ng araw si covid?

Idagdag mo pa na hanggang ngayon, mayroon pa ring mga naililistang mga naimpeksyon. Kaunti man,
palatandaan pa rin na nandyan pa si covid at ang kanyang mga anak at apo, mga super variant na patuloy ang pananalasa. Atin ding ulitin ang iba pang paliwanag ng mga nakaaalam. Iisa lamang ang ibig sabihin ng malawakang kautusan na gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask. Tulad sa maraming bansa sa buong mundo, tanging Vatican at Pilipinas ang mayroon pang mandato na sapilitang pagsusuot ng face mask.

Kaya naman, kinakailangan pang ang mga lungsod sa Kabisayaan ang magpasaring na panahon na upang isantabi ang face mask kapag nasa open o public spaces. Bagama’t bantulot ang mga health experts sa biglaang pagalis ng face mask bilang pang publikong paraan ng selfprotection, napasunod na rin sila sa pambansang kautusan. Hindi naman sinasabing hayagang biglang bukas ang mukha sa muling pananalasa ng pandemya. Sa panahong tila patuloy pa rin naman ang sitwasyon ng pandemya — eh hanggang ngayon naman ay may katindihan ang paglilista sa mga bagong naiimpeksyon — ay hindi dapat pagtakhan ang bantulot na pagsasa-alangalang ng mga namamahala sa ating publikong kalusugan.

Hindi pa naman tuluyang nawawala ang covid-19. Araw araw, mayroon at mayroong mga bagong kaso ng
impeksyon. Nasa ating mga kamay pa rin ang pagkamit ng sariling kaligtasan, habang pagpupuyatan nating salubungin ay yakapin ang dalang sinag ng araw ng isang bagong umaga. Ang mukha nito
ay kalayaan — kalayaang muling maibalik ang pamumuhay na ating nakagawian at naging ugali ng
mapaglustay na buhay. Kaya naman, ang ibang sektor ng populasyon ay tila hindi gaanong kumbinsido na
alisin ang face mask kapag nasa labas.

Ayaw nilang mahawa o makapag-hawa ng iba, lalo na ang mga kapwa na hindi bakunado, o hindi pa
nabibigyan ng booster shot. Why take chances, ika nga sa Ingles ng aking barber.,Idagdag pa ang isa pang ugali na sa panahon ng konting karamdaman, ang perang pambili ng gamot, pangbayad ke Doc, at pagpapa-ospital ay sa pang-araw-araw na pangangailangan ginagamit, lalo na ang pagseseguro na
tatlong beses sa magdamag ay may pagkain sa mesa, me pambayad sa koryente at tubig, at ngayong pasukan, na ginawa ng in-person or face-to-face, eh di ba dapat dag-dag-gastusin ang pag-aaaral ng mga tsikiting, ni Kuya at ni Ate.

Konting sipon-sipon, konting ubo-ubo, kakayanin pa iyan. Pinoy nga tayo, pinaiiral ang mga kalakaran ng
pangangalaga na dapat wais lang. Sige, nasa ating mga kamay pa rin ang tamang option (dahil opsyonal naman). Ikaw ang may hawak ng iyong buhay. Maging maingat sa lahat ng panahon at pagkakataon.
Wala ng iba pang paraan ng muling pag-ahon at pagbangon. Maging ligtas, habang umaangat. Maging
ligtas, habang binabagtas ang kawalan sa pagdating ng isang bagong umaga sa buhay ng Pinoy

Amianan Balita Ngayon