Bagong pamunuan ng PDEA-CAR laban sa lumang problema sa droga

Nang maupong Presidente si Rodrigo R. Duterte noong Hunyo 30 , 2016 ay naglunsad ang kaniyang gobyerno ng walang kahalintulad na kampanya laban sa iligal na mga droga. Nangako siyang bibigyan lunas ang problema sa iligal na droga ng bansa na ayon sa kaniya ay nagdudulot ng malaking kapinsalaan sa mga buhay ng maraming pamilyang Pilipino at sumisira sa kinabukasan ng kabataan. Nagdeklara siya ng “giyera sa mga droga” kung saan puntirya ang mga gumagamit, nagbebenta, gumagawa at mga supplier at nanawagan sa sistema ng hustisyang pang-krimen ng Pilipinas na bigyan katapusan na ang panganib dulot ng iliga na mga droga.
Ayon sa Dangerous Drugs Board (DDB), nasa 1.8 milyon ang kasalukuyang gumagamit ng droga sa Pilipinas at 4.8 milyong Pilipino ang naiulat na gumamit ng iligal na mga droga minsan sa kanilang buhay. Mahigit tatlong-kapat (three-quarters) ang gumagamit ng droga ay matatanda (91%), mga lalake (87%) at nakaabot ng high school (80%). Mahigit dalawang-katlo (two-thirds) (67%) ay may trabaho. Ang karaniwang ginagamit ay methamphetamine o shabu o tinatawag ding “poorman’s cocaine.” Ayon sa isang ulat ng 2012 United Nations Report, ang Pilipinas ang may pinakamataas na antas ng abuso sa methamphetamine sa mga bansa sa Silangan Asya; nasa 2.2% ng mga Pilipino nasa pagitang 16-24 taon ang edad ay gumagamit ng shabu.
Ang problema sa droga sa Pilipinas ay pangunahing tinitingnan bilang isyu ng pagpapatupad ng batas at kriminalidad, at nakatuon ang gobyerno sa implementasyon ng isang polisiya ng kriminalisasyon at parusa. Ito ay napatunayan ng katotohanang mula umpisa ng “giyera sa droga” ay gumamit na ang Administrasyong Duterte ng pagpaparusang mga hakbang at pinakilos ang Philippine National Police (PNP), local government units at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa buong bansa. Sa utos ng Pangulo ay nagsagawa ang mga tagapagpatupad ng batas ng maiigting na mga operasyon sa bawat pintuan.
Sa Cordillera kung saan tinaguriang sentro ng mga plantasyon ng iligal na marijuana ay patuloy pa rin ang maigting na mga operasyon laban dito. Ngunit sa kabila ng papalit-palit na mga opisyal ng pulis, PDEA sa rehiyon na nagsagawa ng kani-kanilang mga hakbang upang matigil na ang operasyon ng droga ay patuloy pa rin ang mga ito, ito ay sa kabila ng libo-libong tanim na sinira at sinunog na nagkakahalaga ng daan-daang milyon piso. Nakapagtataka rin na walang sinuman ang nahuhuli sa tuwing magdaraos ng “raid” ang mga awtoridad sa mga plantasyon ng marijuana.
Kamakailan lang, sa pagkakaroon ng panibagong hepe ng PDEA sa Cordillera ay sunod-sunod ang paghuli sa mga taong may kaugnayan sa iligal na droga. Nangako ang ang bagong pamunuan ng PDEA-CAR na hindi nila lulubayan ang mga operasyon at hindi tatantanan ang mga taong nasa likod ng operasyon ng iligal na droga sa Rehiyon at sa Lungsod ng Baguio na siyang tinaguriang “transshipment point” ng mga droga sa Hilagang Luzon. Ang luma at matagal nang hindi maputol na problema sa droga sa Cordillera ay muling magiging malaking pagsubok sa bagong pamunuan ng PDEA sa rehiyon, subalit sa masigla at matapang lakip ng katapatan sa trabaho ng bagong pamunuan na subok na ay maaaring mabiyak na nga ang napakatigas na batong problema ng iligal na droga sa rehiyong Cordillera.

Amianan Balita Ngayon