BAGONG TAON BAGONG BUHAY

GAANO katotoo ang kasabihang ito na madalas nating marinig ang ating binibigyan ng tinig? Kasi nga naman, ang malimit nating marinig tuwing bagong taon, ay ang pagkakataon na inilalaan ng bagong panahon na sana ay magkaroon ang pagkukusa na ibahin naman ang talo at agos ng buhay. Oo nga’t mga bagong unos ang inaasahang darating. Hindi naman pwedeng sabayan na lang ng sayaw ang bawat patak ng ulan sa panahong hindi naman
nakikidalamhati ang kalangitan.

Paano nga naman iibahin ang nakakalaang tadhana na ayon sa mga ninunong nauna, ay naitalaga na? Kumbaga, anumang pagtanggap ng bagong hamon, wala ring saysay dahil ang bagong tadhana ay naiukit na sa bato? Nag-aaral pa lang, ito rin ang mga pangaral na madalas nating marinig sa mga ninanais ng ating mga magulang. Anuman ang unos, hayaan nating daanan tayo, ipaubaya nating tahakin ang landas na kanyang babagtasin. At habang nilalandas ang daraanan, mabuti pang makisayaw sa tugtuging dulot ng ulan.

Kasi nga naman, walang idudulot na kabutihan ang pagmukmok habang nananalasa ang sungit ng panahon. Ang pagbuhos ng ulan, ihalintulad na lamang na luhang galing sa langit at pandilig sa natutuyong lupa. Hayaang basain ang lupang pinagtuyuan. Ganyan naman talaga ang agos ng buhay. May pagkakataon na pinagkakaitan ng kahit
munting mga pagpatak hagulhol mula sa langit. May panahon namang kailangang sumilong sa hampas ng init ng araw. Ang maagap na gawin at paraaninlamang ang dumadagsang init ng dandamin o ang humahampas na daluyong ng mala-yelong katubigan at nilulunod ang nagoupuyos na kalooban.

Kaya naman sa ganyang mga panahon – na pana-panahon lang – ugaliing makisayaw, makiindak, at salubungin ng buong tatag ang hampas ng langit, ng bumubuhos na ulan, ng pagsusungit at pananalasa. Salubungin ang panahon, dahil sa isang iglap, lalampas din iyan. Tanggapin ang luhang sa langit ang pinagmulan, dahil sa isang kurap, liliipas din yan. Ang lamig ay kailangan din sa katawang napagtutuyuan. Ang init naman ay para sa mga pusong kay daling pinanlalamigan. Bumabagyo man, iwaksi ang agam-agam at pangamba.

Hindi hihinto ang daloy ng buhay. Ang panahon ay tuloy-tuloy lang. Walang hinihintay. Tuloy-tuloy hanggang sa dulo ng kanyang hangganan. Bago ka man kumurap, may bagong kabanatang haharapin. Bagong taon na – panahon na ng pakikipagniig, ng pagtuldok sa hindi pagkakasundo, o ng pagpapaliban sa mga kasunduang tila may iglap sa
kasalukuyan. Bagong taon na, ating hirang! Hayaan ng yakapin ito ng buong tapat upang yumabong pa ang panahon ng pagbibigay at pagpapatawad. Bagong taon na sinta ko.

Mga bagong pagkakataon, hayaang dumalo at iwagayway ang buhay na panibagong panahon ng muling pakikibahagi! Sa susunod na pagkakataon, ating bigyan ng malalimang pagtanaw ang daloy at agos ng eleksyong
magaganap sa Mayo 2025. Sino-sino ang ngayon pa lang ay bukambibig na ang mga pangalang bitbit ay kakayahang gumawa ng batas, karanasan sa paglilingkod, at karangalang bigyang ningning ang paninilbilhan sa Baguio. Abangan po natin.

Amianan Balita Ngayon