Bagong taon, bagong pag-asa

Editorial

Bagong taon, bagong pag-asa ito ang kadalasang bukang bibig ng karamihan ng mamamayan. Ang paghahanap ng bagong pag-asa sa buhay.

Madalas din na ang isang tao ay umaasa na sa pagpasok ng unang buwan ng bagong taon, at siyempre sa taong 2017, ito ay ang taon ng Rooster o Tandang sa katagalugan o minsan ay tinatawag na manok na lalaki ang kasarian.

Ang “Tandang” ay simbolo ng unang oras sa umaga na kapag tumilaok na, halos lahat nagigising lalo na sa mga probinsiya na ang tilaok ng “Tandang” ang nagbibigay oras sa mga magsasaka at maging sa mga ginang ng tahanan na naghahanda ng almusal sa buong pamilya.

Ngunit ano nga ba ang hatid ng taong 2017 sa ating mga Pilipino? Bagong pag-asa sa bagong buhay nga ba?

Ang paglilok o paghabi ng bagong pag-asa ay nasa atin at ito ay wala sa ibang tao, huwag nating iasa sa ibang tao ang ating pag-asa sa pag-unlad ng kinabukasan kundi ito ay magsisimula sa ating pagkatao mismo.

Oo nga’t masasabi natin na kailangan nating umasa sa ibang tao o sa ating pamilya, subalit ang pagasa sa pag-unlad ng buhay ay nasa atin, na sa unang hakbang ng ating paa at paggalaw ng ating mga kamay na siyang idinidikta ng ating isip at puso.

Marami sa ating mga Pilipino ang pala-asa sa kanyang kapwa, totoo ito. Tignan mo ang karamihan sa mga Pilipino na kung saan ay iniaasa nila ang kanilang buhay sa gobyerno, sinisisi pa nga nila ang pamahalaan kung bakit sila ay naghihirap at bakit may mga mayayaman.

Hindi raw pantay-pantay ang buhay ng tao ngunit tignan natin, hindi ba’t ang isang araw ay binubuo ng 24 oras? Ito ang ibinigay ng Diyos sa langit na pantay-pantay tayong lahat ng oras. Lahat tayo ay may 24 oras na magtrabaho upang maging maayos ang buhay at hindi iasa kung kanino lamang dahil ang pag-asa ay nasa atin.

Ang buong puwersa ng Amianan Balita Ngayon ay taos-pusong bumabati ng masagana at mapayapang Bagong Taon sa lahat ng mamamayan ng buong Norte sa sambayanang Pilipino ng bagong pag-asa sa bagong taon ng 2017!!! TFP