Bagong Taon Na… May Nagbago Ba?

Bagong taon na, mga pards pero may LUMANG tanong: MAY NABAGO BA? Tiyak ang sagot ng marami ay: Bagong taon nga pero luma pa rin ang mga eksena. Ibig sabihin…para daw walang nabago. Sa anong aspeto? Doon na lamang tayo sesentro sa mga eksena sa pagsalubong sa bagong taon.

Narito ang ilang mga tala, ayon sa mga datos mula sa ibat-ibang nagtala, nag-usyoso, nagobserba, nakitsismis at higit sa lahat, ayon sa mga tunay na nagmamalasakit para sa matiwasay na pagpapalit ng taon. Pero bago sa lahat, batobato sa langit:

********
Marami bang naputukan? Bago natin upakan ang tanong na ere…para sa kaalaman ng marami…noon pang 2017 na nagpalabas si Pangulong Duterte ng EO 28 na bawal ang gumawa at magbenta at gumamit ng mga malalakas na paputok gaya ng Judas belt, sawa, Bawang, Superlolo, Goodbye Earth, Goodbye Philippines, Bin Laden at Piccolo.

Paunang tanong: naipatupad ba ang naturang Exec. Order No. 28 na ito? O baka naman naipatupad pero kulang. Ano ba ang problema sa pagpapatupad kung sakali? Sige, balikan natin ang tanong kung marami bang naputukan?

Sabi ng PNP…may naitala silang 324 na biktima o nasugatan dahil sa paputok mula Disyembre 16, 2019 kasama ang mga tinamaan ng astray bullets dahil sa illegal discharge of firearms – indiscriminate firing. Ang naturang bilang daw ay mas mababa (798) sa rekord ng PNP noong 2018.

Dagdag pa sa ulat ng PNP na 21katao ang kanilang inaresto sa illegal discharge of firearms kabilang dito ang 14 na sibilyan, isang pulis, 2 sundalo, isang CAFGU at 3 security guards. Kabilang dito ang isang Chinese na si Kimy Chan.

Sa kabilang dako, ang tala naman ng DOH ay may 164 ang firecracker related injuries mula Dec. 21, 2019 hanggang umaga ng Enero 1. Mas mababa raw ito ng 35% kumpara sa nakalipas na taon. Yan mga pards ang datos na PNP at DOH sa isyu ng paputok. In short…may mga biktima pa rin ng paputok. Bakit? Di ba may EO 28 na?

Inuulit natin ang tanong: may problem ba sa implementasyon kontra sa kapusukan at katigasan ng ulo ng ating mga kababayan?

********
Maala-ala na hindi na sinelyohan ang mga baril ng kapulisan bago Pasko hanggang Bagong Taon. Na ang ibig sabihin…may tiwala ang PNP sa kanilang mga miyembro dahil alam nilang lahat na bawal ang indiscriminate firing.

Pero teka, pards…may report na may mga pulis at sundalo na nagpaputok naman. Ayon sa ulat, arestado na raw ang mga nagpaputok ng baril at inihahanda na ang mga kaso laban sa kanila.

Hindi raw nila kukunsintihin ang mga pulis na nagpaputok ng baril at titiyaking matatanggal (daw) sa serbisyo ang mga ito. Dapat lang na sila’y parusahan…hindi lang tanggalin sa serbisyo kundi may kaakibat pang mas mabigat na parusa gaya ng pagkakabilanggo.

Maala-ala pa natin ang nangyari noong Dec. 31, 2012 kung saan isang batang “Nicole” ang tinamaan ng ligaw na bala sa Caloocan habang nanonood ng fireworks display. Patay ang bata pero hanggang ngayon wala pang maiturong suspect na nagpaputok ng baril.

Noong Dec. 31, 2018, pitong pulis din ang naaresto dahil sa pagpapaputok ng baril. Hindi na malaman kung anong nangyari sa pitong ito. Sigaw ng marami: dapat parusahan nang mabigat ang mga suspects upang matigil na ang isyu ng “trigger happy” sa hanay ng mga otoridad.

Habang nariyan kasi ang mga “trigger happy” o makakati ang utak at daliring may baril…marami pa ang mabibiktima sa ating sosyodad. Aksiyunan agad ito. Ulit: batobato sa langit. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon