Baguio at Benguet ligtas, paniguro ng mga otoridad

Siniguro ng mga otoridad na ang lungsod ng Baguio at probinsiya ng Benguet ay ligtas sa kabila ng kamakailang kaguluhan na kagagawan ng diumano’y grupo ng mga rebelde.
Sinunog ng pinaghihinalaang mga miyembro ng New Peoples’ Army ang dalawang trak ng Philex Mining Corporation sa kahabaan ng Philex-Baguio Road sa Ampucao, Itogon, Benguet noong Huwebes, Disyembre 9. Agad na umalis ang mga suspek matapos ang panununog at agad ding nagsagawa ng hot pursuit operation ang kapulisan at Philippine Army na nagresulta sa pagkadakip sa tatlong rebelde.
Nagdulot naman ng pangamba ang insidente sa publiko matapos ang mga post sa social media ng ilang netizens lalo na ang hindi beripikadong ulat ukol sa diumano’y pagpasok ng mga grupong terorista gaya ng Abu Sayyaf sa lungsod at Benguet. May mga ulat din na nagkaroon ng engkuwentro sa pagitan ng mga NPA at tropa ng gobyerno sa Camp 4, Tuba, Benguet na naglagay diumano sa lungsod ng “red alert status” na lalong nagpalala ng alarma sa publiko.
Dulot nito ay bigla ring pinayapa ng mga opisyal ng lungsod. “We are safe in Baguio. We are not on red alert status,” pahayag ni Mayor Mauricio Domogan sa pagpupulong ng Cordillera Regional Peace and Order Council sa Banaue, Ifugao.
“While our neighboring municipality is on heightened alert due to the hot pursuit being done by the Philippine National Police and the Philippine Army against those who caused the burning of two trucks of Philex Mines in Benguet on Thursday morning, Baguio City remains peaceful and on pre-emptive alert,”ani Domogan.
“Let us not panic but rather be vigilant,” paalala ni Domogan. Hiniling din niya sa publiko na huwag mabahala dahil tinitiyak ng kapulisan sa lungsod ang kaligtasan at seguridad.
Sa panig naman ng Police Regional Office-Cordillera Public Information Office ay sinabi nito na nasa full alert ang PNP mula nang ideklara ang State of Lawlessness noong Setyembre 3, 2016.
“The public is advised not to panic and be alarmed. The presence of checkpoints only manifest that the PNP is strengthening its preventive measures to secure the citizenry and the Police Integrated Patrol System.”
Samantrala ay niliwanag ng Philippine Military Academy na wala silang inilalabas na pahayag o abiso na naglalagay sa “red alert status” sa lungsod ng Baguio at probinsiya ng Benguet.
Sinabi ni PMA Public Information Officer Lt. Col. Rey Balido na ang red alert status o pinataas na red alert status ay sa mga kampo lamang ng military at PMA matapos ang kamakailang deklarasyon ng all-out war laban sa NPA. Sinabi pa ni Balido na ang pagpasok ng mga turista sa PMA ay ipinagbawal muna pansamantala. Naghahanda ang PMA sa nalalapit na selebrasyon ng Alumni Homecoming sa susunod na linggo.
Niliwanag naman ni Lt. Gen. Romeo Tanalgo, commanding officer ng Northern Luzon Command sa pagpupulong ng RPOC na walang engkuwentrong naganap sa pagitan ng mga rebelde at tropa ng gobyerno sa Camp 4, Tuba, Benguet. Ayon pa sa NOLCOM ay walang engkuwentro sa Cordillera sa loob ng nakalipas na anim na buwan. ABN

Amianan Balita Ngayon