Baguio City kailangan ng mahigit 200 bagong trabahador

Hinihikayat ng Human Resource Management Office (HRMO) ng lungsod ng Baguio ang mga naghahangad ng trabaho na tumingin sa iba’t ibang bakanteng posisyon na pangmatagalan sa lokal na pamahaalan ng lungsod.
Ayon kay Assistant HRM officer Edith Dawaten noong Agosto 28, na ang pamahalaang lungsod ay magbubukas ng mahigit 200 permanenteng posisyon na ikakalat sa 18 departamento ng city hall.
Aniya, ang ibang bakanteng posisyon ay nailathala, ang iba naman ay ongoing ang deliberations ng mga personnel selection board.
“There are many vacancies for nurses,” aniya.
Binanggit din ni Dawaten ang bakante ng disability affairs officer, isang puwesto na kamakailan lamang binuo upang humawak sa kapakanan at kailangan ng mga persons with disabilities.
Dagdag pa niya na ang pamahalaang lungsod ay magsasagawa rin ng bagong sistema sa pagre-recruit, kung saan dadaan ang mga aplikante sa mahigpit na proseso, base sa atas ng Civil Service Commission (CSC).
Ang lahat ng aplikante para sa mga bakanteng posisyon ay dadaan sa bagong proseso ng pre-employment, kabilang ang technical, personality, psychological, at critical thinking tests, maliban pa sa pagsusulit na angkop sa bawat posisyon.
Ang bagong hiring process, ayon kay Dawaten, ay higit na mahalaga para sa matataas na posisyon, simula sa Salary Grade 22.
Sinabi rin niya ang tungkol sa Executive Order ng CSC na humihikayat sa mga local government units na ipatupad ang pre-employment, personality test at critical thinking test.
“Because we know this is needed by the city, the mayor issued an administrative order approving the guidelines for the conduct of the exams by a psychometrician, who is licensed to conduct exams on personality test and interpret the results,” ani Dawaten.
“Although it’s really tedious, this is an improvement in the city’s recruitment process,” aniya.
Kabilang si bagong tourism officer Aloysius Mapalo sa mga unang sumailalim sa proseso.
“Dumaan ako sa butas ng karayom. I had two separate examinations, two separate interviews, and the other processes, which took about a month to finish before they made the decision,” ani Mapalo.
Iwinaksi niya ang palagay na palakasan at whom-you-know system na siyang ginagamit sa pagkuha ng trabaho sa gobyerno.
“There were seven of us, all of them from the government, mas marami silang kilala dahil nasa loob na sila. But eventually, I got selected,” pagpapatuloy niya.
Si Mapalo ay isang propesor, kasunod ay naging dean ng engineering department ng University of the Cordilleras, kalauna’y naging director for creative production at dean ng student affairs bago siya nagdesisyon na sumali sa gobyerno.
Ayon kay Baguio City Councilor Joel Alangsab, na siyang chair ng committee on government affairs at miyembro ng selection board, na sa pagsali sa gobyerno, ang qualification ng mga aplikante ay mas mabigat.
Aniya, mahirap itulak ang sinuman sa posisyon sa gobyerno kung ang tao ay hindi qualified. Ang aplikante ay kinakailangang may qualification maliban sa mga requirements.
Sa ilalim ng Baguio City government, aniya, ang mga empleyado ay pinagkakalooban sa kanilang exemplary performance at serbisyo, habang ang mga kabilang sa under-performance mula sa iba’t ibang rating seasons ay inalis mula sa talaan. L.AGOOT, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon