Baguio gagamitin ang “kamay na bakal” sa Loakan Airport rehab

LUNGSOD NG BAGUIO – Determinado na buksan ang isang naayos na Loakan Airport sa madaling panahon, nangako ang pamahalaang lungsod na lilinisin ang mga iligal na istruktura sa palibot ng buffer zone ng runway.

Humigit-kumulang isang daan istruktura sa loob ng idineklarang buffer zone sa Loakan airport ang gigibain bilang bahagi ng trabahong paghahanda sa pagbubukas ng paliparan para sa commercial operations.

Sinabi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isinumite ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa pamahalaang lungsod ang natukoy na buffer zone kung saan naitayo ang mga istrukturang nakakasagabal sa parating at paalis na mga flights.

May kaukulang pasabi ang ilalabas sa mga may-ari ng mga istruktura sa naideklarang buffer zone upang bigyan ng panahon para sa boluntaryong demolisyon, ani mayor. Nauna dito ay nakipagusap ang pamahalaang lungsod sa Department of Transportation (DOTr) para sa turnover ng pamamahala at operasyon ng Loakan airport sa lungsod upang makakuha ito ng isang third party operator.

Nakikita sa pagbubukas ng paliparan na lalong pasisiglahin ang industriya ng turismo ng lungsod lalo na sa inaasahang pagdagsa ng high-end na mga bisita dahil parating na ang summer.

Inihayag ni Magalong na nakipagpulong ang pamahalaang lungsod sa San Miguel Corporation na may alok na pamahalaan ang Loakan airport sa oras na pahintulutan ng CAAP at DOT rang commercial operation ng paliparan.

Isinara ang operasyon ng Loakan airport para sa commercial operation mahigit isang dekada na dahil sa mga isyu ng kaligtasan ng flights na nagta-take off at nagla-landing sa runway.

Sinabi rin ng pamahalaang lungsod ng Baguio na maliban sa pagtanggal ng mga istruktura sa buffer zone ng paliparan, isang mahalagang pagsasa-ayos ay ang paglalagay ng kinakailangang Instrument Landing System (ILS) na gagabay sa mga eroplano na mag-maneuver papasok at palabas sa paliparan kahit masama ang panahon.

Dapat sana ay permanente ng naisara ang Loakan airport kapalit ang expansion area ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na pinapatakbo ng estado, ngunit tinutulan ng dating administrasyon at city tourism industry stakeholders ito na nagresulta sa pagsasantabi ng plano.

Nasa 1.6 kilometro ang haba ng runway ang Loakan airport na kayang tanggapin lamang ang maliliit na eroplano na kailangang tumakbo sa isang maigsing distansiya bago lumipad.

AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon