Baguio handa kay Omicron – Mayor

Metro BLISTT

LUNGSOD NG BAGUIO – Handa ang lungsod sakaling may posibilidad ng isang pagdaluyong ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sanhi ng napakabilis na nakahahawang variant na Omicron. “We are ready, all resources are in place kasi bago pa ito umakyat, dumating, eh ready na tayo sa lahat ng resources,” ani administrator, Engr. Bonifacio dela Peña, sa isang media interview noong Martes.

Sinabi niya na naikasa na ang mga contingency measure. “Hindi tayo nababahala kasi manageable naman ang cases,” aniya. “We are ready
but we cannot tell if 100% but preparations were done and in place.”

Ipinakita ng Department of Health-Cordillera Covid-19 tracker na ang lungsod ay may 98 aktibong mga kaso na may naidagdag na 29 mga kaso noobng Enero 3.

Noong Disyembre 25 ay may walong aktibong mga kaso lamang dito.

Binalikan ni Dela Peña na nang pumasok ang Delta variant sa lungsod, nakapagtala sila ng mas mataas sa 200 mga kaso sa isang araw lamang, sa kabuuang aktibong mga kaso na umabot ng higit 4,500. Gayunman sinabi niya na napigilan ng lokal na gobyerno ang hawaan, kaya tiwala siya na handa sila sa variant na Omicron.

Sinabi niya na sa pagbaba ng mga kaso noong Disyembre, isinara ng pamahalaang lungsod ang ilan sa mga isolation areas nito at nagsagawa ng ilang pagbabago pa, pagsasa-ayos, at renobasyon upang maging handa ang mga ito sakaling isa pang pagdaluyong ng kaso ang mangyayari na resulta ng Omicron variant.

Ilan sa mga preparasyon na ginawa ay ang pagbili ng mga medisina, oxygen tanks, at iba pang logistics na kinakailangan, aniya.

Sinabi rin ni Dela Peña na ipinagpapatuloy ng pamahalaang lungsod na magsagawa ng Covid-19 testing na may average na 400 kada araw.

“Napakaganda ng positivity rate natin compared sa nagagawa na testing,” aniya.

Ayon sa city administrator habang dumarami ang mga kaso, wala pang opisyal na deklarasyon o ulat mula sa Department of Health sa presensiya ng Omicron variant dito.

Sinabi niya na ipagpapatuloy ng lokal na gobyerno ang pagsisikap nito upang makabawi ang ekonomiya at hindi isasara ang lungsod sa mga turista.

“We will be proactive about this because we don’t want to sacrifice yung nasimulan na natin na recovery,” aniya.

Pinaalalahanan ng opisyal ang publiko na ipagpatuloy ang pagsunod sa mga safety protocol, na sinabing ang pagtaas ng mga kaso ay maapektuhan ang bawat-isa, hinsi lamang ang mga nagpositibo sa virus.

(LA-PNA/PMCJr.-ABN)