Baguio kauna-unahang nakakuha ng P255M para sa Socialized Housing

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang Lungsod ng Baguio ang kaunaunahan sa hilagang Luzon na nakakuha ng isang ‘grant’ mula sa pambansang gobyerno para sa socialized housing project nito na tinawag bilang ‘permaculture community.’
Sinabi ni City Planning and Development Coordinator Architect Dona Tabangin na ang PhP255 milyon para sa socialized housing project ng lungsod ay nakuha mula sa Department of Human
Settlements and Urban Development (DHSUD) na sasakupin ang pagpapatayo ng ilang istruktura sa loob ng 1.8 ektaryang pag-aari ng lungosd.
Sa ilalim ng ‘grant’, maaaring magpatayo ang lungsod ng nasa walong istruktura na para sa 270 socialized housing units na may probisyon ng road networks, bio-filtration plant at handa para sa pagpapatayo ng solar farms sa mga bubong ng mga istruktura, kaya, ang mga bubong ay naka-disenyo na nakaharap sa araw sa timog bilang paghahanda sa mga posibleng investors.
Ang permaculture ay isang holistic approach sa regenerative living na tampok ang indibiduwal at komunidad na pananagutan para sa pagsusustine at nakatutok sa pagpili, mga pamantayan, etika at paraan kung paano makisalamuha ang tao sa likas na mundo. Ang sustainable living ay isang pang habang-buhay na pagpili na ikinokonsidera ang relasyon ng isang tao sa komunidad at likas na kapaligiran at ninanais ang harmoniya sa dalawa.
Kuwarenta porsiyento lamang ng lupa ang mapapatayuan habang ang natitirang 60 porsiyento ay ilalaan para sa green spaces upang makatulong sa pagpapanumbalik ng pagka-luntian ng Baguio.
Sa panimula, 2 istruktura na may nasa 64 socialized housing units ang itatayo na iaalok sa mga residente sa identified high risk areas na kinakailangang ilipat sa mas ligtas na lugar. Ang Irisan ‘permaculture community’ ang una sa uri ng socialized housing project hindi lamang sa Cordillera kundi maging sa hilagang Luzon at magiging modelo para sa katulad na mga proyekto na itatatag sa ibang mga lugar sa bansa.
Isa sa pangunahing mga proyekto ng lungsod ay isang disenteng socialized housing projects para sa informal sector at mga residente ng lungsod na naninirahan sa identified high risk areas na makatuwiran sa paglilipat sa kanila sa mas ligtas na lugar.
Ang proyekto ay pagtutulungan ng DHSUD at ng National Housing Authority (NHA) na siyang lead agencies sa pagpapatupad ng housing projects ng gobyerno sa bansa. Sa mga nakaraang taon ay inaasam ng Baguio ang implementasyon ng socialized housing project nito para sa pangangailangan ng pabahay ng mga informal settlers sa iba’t-ibang barangay.
AAD/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon