Baguio may 2 bagong RTC branches

Metro BLISTT

Inaprubahan ng Supreme Court (SC) en banc ang paglikha ng dalawang branches ng Regional Trial Court (RTC) na ilalagay sa lungsod na bahagi ng hakbang ng hudikatura na maibsan ang mga korte ng mga kaso at magarantiya ang mabilis na disposisyon ng mga kaso.

Ginawa ang pag-apruba sa dalawang RTC branches sa en banc session ng SC noong Agosto 8 sa rekomendasyon ng Court Administrator at magiging RTC Branch 78 at Branch 79 ito. Resulta ng pagkakaroon ng dalawang RTC branch sa lungsod ay ang paglikha rin ng dalawang posisyon na RTC Judges, dalawang Clerks of Court V, dalawang Court Legal Researchers 2, dalawang Interpreter 3, walong Stenographer 3, dalawang Sheriffs 4, apat na Clerk 3, dalawang Process Servers at dalawang Utility Worker 1 na mailalagay sa mga mga korte sa lungsod.

Inatasan ng SC ang Office of the Administrative Services na isumite sa Department of Budget and Management (DBM) ang mga bagong posisyon na maibibilang sa personnel services itemization ng RTC para maisama sa General Appropriations Act para sa proseso ng pagpondo rito.

Bukod dito ay iniutos ng SC sa Financial Management Office na magsumite sa DBM ng funding requirements para sa lubos na implementasyon ng pertinent laws, rules and regulations. Inatasan din ang DBM na agad i-release ang supplemental allotment release order at ang kaukulang notice of cash allocation para sa full implementation ng pertinent laws, rules and regulations at ‘hold in abeyance’ ang organisasyon ng RTC Branches 78 at 79 sa Baguio City hanggang mairelease ng DBM ang allotment release order at ang cash allocation para sa full operation ng mga korte.

Iniutos din ang pag-amiyenda ng lahat ng court records upang makasunod sa paglikha ng dalawang karagdagang RTC branches sa lungsod.

Sa kasalukuyan ang mga RTC branches sa lungsod ay Branches 3, 4, 5, 6, 7, 59, 60, at 61. Magsasagawa ang SC ng assessment at evaluation ng Baguio Justice Hall building para sa paghahanda sa panukalang rehabilitasyon at upgrading nito upang masigurong ma-accommodate ang dalawang bagong RTC branches sa oras na maging operational na ito.

Sinabi ni Mayor Mauricio Domogan na ang pagkakaroon ng dalawang bagong RTC branches sa lungsod ay tunay na makakatulong sa pagsasa-ayos ng resolsuyon ng mga kaso at maibsan ang bigat ng mga kasalukuyang korte at masisiguro ang mabilis na disposisyon ng hustisya.

Inihayag ni Domogan ang pag-asang agad na aaksiyunan ng DBM ang kinakailangang pondo para sa mga bagong posisyon at maintenance and operating expenses ng mga korte upang masimulan sa pinakamadaling panahon ang operasyon ng dalawang RTC branches.

Dagdag pa ni Domogan na dapat magawa na rin sa madaling panahon ang appointment ng mga bagong posisyon bilang paghahanda sa inaasahang operasyon ng mga bagong korte sa lungsod. ABN