Baguio religious services limitado sa 10% kapasidad

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagkasundo ang pamahalaang lungsod at sektor ng relihiyon na muling buksan ang mga serbisyo sa simbahan sa panahon ng modified general community quarantine (MGCQ) ngunit sa 10 prosiyento na kapasidad lamang ng pasilidad at sasailalim sa health regulations, ayon sa isang opisyal noong Biyernes.

Sinabi ni Aileen Refuerzo, chief information officer ng lungsod na ang mga nasabing simbahan ay una munang magsumite ng mga panuntunan na sasailalim sa pagsusuri bago mabigyan ng isang permit na pinapahintulutan ang lahat ng denominasyon na magdaos ng serbsiyong pang-relihiyon.

Kabilang sa mga alituntuinin na napagkasunduan ng pamahalaang lungsod at sektor ng relihiyon ay ang paglimita sa mga dadalo na hanggang 10 porsiyento lamang ng kapasidad ng simbahan, mosque o prayer hall.

Papayagan ang mga senior citizen at kabataan na sumama sa Sunday services ngunit ang klase ng Linggo para sa mga bata ay ipinagbabawal pa rin.

Papayagan ang mga serbisyo mula 6 a.m. hanggang 2 p.m. lamang.

Ang basic health protocol na hinihingi ng Department of Health ay dapat laging isagawa ang one meter-radius na physical distancing, pagsuot ng masks at kahandaan ng alcohol o likidong disinfectant.

Kailangan ding may listahan ang mga simbahan ng mga dumadalo na may kaukulang contact information na handa para sa contact tracing.

Sinabi ni Refuerzo na pinahintulutan ni Mayor Benjamin Magalong na muling magbukas ang simbahan upang bigyan ang mga tao ng pag-asa sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease (COVID-19).

“Services will only commence after the approval of the guidelines and issuance of certificates of compliance by the city government,” ani Refuerzo.

Sa konsultasyong ginanap noong Hunyo 3 ay nangako ang mga lider ng mga simbahan sa pangunguna ni Baguio Apostolic Vicar Rev. Victor Bendico ng Simbahang Katoliko, Rev. Pastor Robbie Casas ng Protestant churches at Rev. Pastor Voltaire Acosta na namumuno sa Presidential Commission on Religious Affairs na susunod sa mga precautionary measures bilang ambag nila upang mahadlangan ang pagkalat ng COVID-19.

Samantala ay hiniling ng Department of the Interior and Local Government sa Cordillera Administrative Region (DILG-CAR) sa publiko na sumunod sa mga panuntunan ng new normal.

Hinimok ni DILG-CAR regional director Marlo Iringan ang publiko na manatiling mapagmasid at umagapay sa new normal.

“Isang malaking hamon sa atin kung papaano natin sasanayin ang publiko na maging disiplinado. Ang gusto natin ay maging bahagi ang mamamayan sa solusyon at hindi magiging bahagi ng problema,” ani Iringan.

LA-PNA/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon