Baguio, transhipment point at hindi producer ng marijuana – PDEA

Nilinaw ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang lungsod ng Baguio ay hindi producer kundi isang transhipment point ng marijuana.
Ito ang sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino matapos na hinimok ni Mayor Mauricio Domogan ang naturang ahensya na itama ang nakaraan nitong ulat na itinuturo ang Baguio na pinagmumulan ng marrijuana.
“Mayor Domogan must have been misinformed. There is nothing to retract. During PDEA’s periodic presentation of the National Drug Situation to stakeholders, we regularly identify Baguio City as an intermediate destination for marijuana en route to reaching its ultimate end-users,” ani Aquino. Malinaw na nagkaroon ng miscommunication, dagdag pa nito.
Isang ulat na nagsasaad na isang producer ng marijuana ang Baguio City ang nag-udyok kay Mayor Domogan kasama ang Regional Development Council at Regional Peace and Order Council na hilingin sa PDEA na bawiin ang alegasyon nito.
Ang marijuana, na pangalawa sa mga pinipiling gamitin ng drug users, ay isang halaman na mahirap puksain at malagong tumutubo sa mga matataas at mabundok na lugar sa bansa.
Karamihan ng plantasyon ng marijuana ay nakita sa tri-boundaries ng Ilocos Sur, La Union at Benguet, partikular sa Bakun, Kapangan at Kibungan. May mga taniman din na nadisbkure sa Tinglayan, Kalinga; Tinog, Ifugao; at Sadanga, Mountain Province.
“Illegal hemp is usually grown in these areas but not in Baguio City. It is not possible considering it is highly-urbanized with growing population and limited land area where detection of marijuana cultivation sites is easy,” ani Aquino at sinabing kailanman ay hindi naging taniman ng marijuana ang lungsod.
Mula Hulyo 2016 hanggang Agosto 2017, ang PDEA at Philippine National Police (PNP) ay nagpatupad ng kabuuang 32 anti-drug operations na nagresulta sa pagkaaresto ng 56 na hinihinalang drug personalities at pagkumpiska ng 8,887.1078 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng P1.9 milyon.
“Based on the consolidated data, it is safe to say that Baguio City is a trading point of illegal hemp where drug syndicates conduct their illegal activities,” ani Aquino.
Samantala, nauna nang inihayag ni Benguet Gov. Crescensio Pacalso na inaayunan niya ang paggamit ng marijuana bilang medicinal plant ngunit kailangang makontrol ito at dapat nasa anyo ng tableta o likido. Sa pamamagitan nito, ani Pacalso, ang marijuana ay legal na maitatanim at maaring maging alternatibong gamot at pangkabuhayan para sa Benguet farmers.
Maliban sa probinsya ng Benguet, ilang bahagi rin ng Kalinga province lalo na sa Mt Chumanchil ng Tinglayan ay marijuana producer. ACE ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon