Bagyong Trillanes sinabayan ng bagyong Ompong

Aank ng pating na minalarya, ano ba ireng nangyayari sa ating bansa?  Sala-salabat na ang mga bagyong balita. May bagyong upakan sa Kamara, sa Senado, sa Hudikatura, sa Ehekutibo at iba’t ibang sangay ng gobyerno. Haay naku, ang liit ng ating bansa ngunit ga-higante ang mga umuupak na problema. Kung sa bagyo, aba’y super cyclone na ang katumbas. Buti na lamang, pards at sa mga dumaang bagyo ay puro daplis lang at di tayo nasentro. Huwag lang na gigiwang ang bagyong ire na bumabanat na sa ating bansa itong si Ompong. Pero teka lang, habang nakasentro ang ating panggagalaiti sa mga nakakapikang kontrobersiya lalo na kay Sen. Trillanes, unahin muna nating pag-usapan si Ompong.

*******

Habang sinusulat ang espasyong ito, todo-banat naman na si Ompong ang bagyong sinabi ng PAGASA na walang pakundangang dumiretso sa dulo ng North Luzon.  Sapul ang Norte lalo na ang Cagayan at karatig lugar. Pati nga sa Cordillera, hindi pinatawad ni Ompong. Di man natin maisisiwalat lahat ang mga unang eksena matapos ang landfall ni Ompong, nakakatiyak tayong matindi ang hagupit nito dahil sa lakas nitong taglay.  Bihira kasi tayong tamaan ng bagyong sing-lakas ni Ompong. Buti pa ang bagyong Neneng dahil mistulang mahinhing dalaginding na dumaplis lang sa may Batanes, ay iskapo na agad. Ito namang sumunod ay parang may pagka-brusko at barumbado pa. Palibhasa, parang laking kalye ang ngalan. Mula pa nga noong nakaraang Huwebes, marami nang lugar kung saan ay nakansela na ang kanilang pasok sa eskuwela at trabaho.  May nagkansela hanggang kahapon. Ang hindi lang nagkansela ay mga utak ng ating kababayan tungkol sa mga kontrobersiyang ibinagyo ni Trillanes. Sus ginoo, mag-recess muna tayo sandali at bumabagyo na mga pards.  Sige, ano bang nangyari kay Trillanes? Hoyy, sabi nga’t magrelaks muna tayo, eh!

******

Dahil kay Ompong, maraming lugar sa Luzon ang apektado lalo na sa buhay at ari-arian. May ulat na nag-utos pa nga ang Pangulong Duterte sa mga magsasaka na bago sana manalasa si Ompong ay anihin na ang puwedeng maaning pananim nila para may mapakinabangan pa. Ang nakakalungkot ang unang nag-ani ay ang administrador ng NFA – National Food Authority. Ang inani – tigpas siya sa kanyang puwesto. Naghahanap na si Digong ng kapalit ni Ex-NFA administrator na si Jason Aquino. Pati nga ang NFA Council ay pinabubuwag na rin ni Duterte.  Say naman ni SGMA (Speaker Gloria Macapagal Arroyo), susunod ang Kamara sakaling hilingin ni Pres. Duterte na buwagin na ang NFA dahil nga sa mga sinasabing kapabayaan nito hinggil sa isyu ng suplay ng bigas sa bansa. He he, baka galit din si SGMA sa bukbok ng bigas at Formalin sa galunggong. Yan nga ang nakakatakot, baka naman magagamit ang mga isyung yan sa relief operations. Dighay naman ng mga walang makain, gaya natin, bahala na sa bukbok, total sabi nila protina raw ito.  Maryusep na protinang yan.  Sabagay, idagdag natin ang kolesterol ng isyu Trillanes, ayos ta pukis, kalbo ta ubet! Pwe!

******

Pasingit na lang tayo mga pards sa likod ng mga nagaganap sa eksenang-Ompong upang sagutin lang natin ang ilang mabusising mga tanong.  Asan ba siya? Habang binabayo natin ang tiklado ng daplis, nasa senado pa rin siya. Ganern?  E, bakit? Kala natin ay lalayas na siya doon kasi hindi nakalusot sa Korte Suprema ang kanyang hirit na TRO?  Una, sinabi niya daw na aalis.  Balik-bahay na. Pero pinayuhan siya ng kanyang mga abogado na huwag muna kasi may hinala silang baka siya (Trillanes) ay arestuhin ng AFP kapag lumabas sa saya ng Senado.  Hmmm ganun ba? Tanong: hanggang kailan siya roon?  Kahit ba may Warrant of Arrest na siya mula sa Korte ay magpapakupkup pa rin siya roon?  (Maaaring nakauwi na siya kung totoo siya sa kanyang salitang uuwi na siya sa bahay niya). Buti nga at hindi itinuloy ni Duterte ang banta noon na paaaresto na niya ito.  Sabi nga ng pangulo, hayaan na lang niya ang korte na umeksena para sa pag-aresto.  Haayy buhay, baka may bagyo nang kasunod si Ompong, andun pa siya sa Senado. Sige, saka na yan. Atupagin muna natin ang hagupit ni Ompong.  Maging alerto at sumunod sa tuntunin hinggil sa kaligtasan at tulungan sa tuwing may kalamidad.  Adios mi amor, ciao, mabalos.

Amianan Balita Ngayon