Bahay sa Urdaneta, nasunog dahil sa short circuit

URDANETA CITY, PANGASINAN – Maswerteng walang nasaktan sa sunog na tumagal nang halos 30 minuto sa isang bahay sa Zone 3 Mabanogbog, lungsod na ito, ika-9 ng umaga noong Pebrero 20, 2017.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire of Protection, short circuit ang dahilan ng sunog sa bahay ni Encarnacion Ballesteros, nasa 80 anyos at asawa ng dating kapitan ng barangay.
Ayon sa isang kapitbahay na tumulong habang tinutupok ng apoy ang bahay, kasama ang isa pang lalaki na unang nakakita sa usok na lumalabas sa bintana ng bahay, ay malalakas na katok ang ginawa nila sa pinto upang palabasin ang mga nakatira.
Aniya, pagkatapos ng ilang minuto ay wala pa ring lumalabas kaya pumunta sila sa likurang bahagi ng bahay upang doon pumasok ngunit ang pintuan ay naka-lock.
Makalipas ang ilan pang minuto, dumating si Kgd. Ronnie Rombaoa, manugang ng nasunugan, at tumulong sa pagbukas ng pinto. Paulit-ulit nilang sinipa ang pintuan hanggang ito ay masira at mabuksan.
Nakita nila sa loob ng bahay si Manny Ballesteros, mahigit 40 anyos at anak ng may-ari, na nag-iisa at hindi nagalusan. Matapos itong mailabas ay nagtulungan ang magkakapit-bahay sa pag-apula ng sunog. Ngunit dahil malakas na ang apoy ay wala silang nagawa kundi hintayin na lamang ang mga bombero.
“Yung pension ko at saka yung mga papeles ko, wala na,” saad ng may-ari ng bahay.
Bandang 9:20 ng umaga nang dumating ang dalawang trak ng mga bombero. Nang maapula ang apoy ay nakitang hindi nadamay sa sunog ang unang palapag ng bahay na gawa sa semento ngunit ang unang palapag na gawa sa kahoy ang natupok ng apoy. Sharmaine Florendo, UP Baguio Intern

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon