Bakanteng pwesto sa palengke, ibibigay sa kwalipikado

Nasa 100 na bakanteng puwesto sa pagitan ng Block IV at ng Tobacco Section ng pamilihang lungsod ng Baguio na hindi nagagamit ay itatakdang isubasta at kalauna’y igagawad sa mga kwalipikadong indibidwal sa darating na Pebrero 17, 9am sa Baguio City Hall lobby.
Mayroong 288 na naunang indibidwal ang naitala ng Baguio City Market Authority (BCMA) ang nasa waiting list at umaasang maigagawad sa kanila ang mga puwesto at nang mailako ang kanilang mga paninda.
Ayon kay market superintendent Policarpio Tamayo ng treasury office, sa hiwalay na 288 orihinal na mga aplikante na nasa waiting list, mayroon ding 290 na bagong aplikante ang nagpapahiwatig ng interes na magkaroon ng puwesto sa palengke.
Umaasa si Mayor Mauricio Domogan na ang mga bakanteng puwesto ay maigagawad kaagad dahil sa mataas na bilang ng mga kwalipikadong magtitinda na nagnanais magkaroon ng sariling puwesto sa palengke.
Samantala, isang task force ang patuloy na iniimbestigahan ang mga pasaway na stall owners na nagpapalaki ng kanilang puwesto na siyang nagiging sanhi ng sagabal sa palengke.
Sa kabilang banda, pinaalalahanan ni Domogan ang mga pinuno sa palengke pati na rin ang mga may-ari ng puwesto na sundin ang mga rules and regulation na inihayag ng lungsod upang maiwasan ang mga pangamba sa hinaharap.
Mayroong 78 Public Order and Safety Division (POSD) personnel ang naitakda sa job order na inilabas ni Domogan. Itinalaga ang mga ito sa pagpapatupad ng mga patakaran, alituntunin at regulasyon sa operasyon sa palengke at night market. PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon