“Bakit si Raffy Tulfo?”

Opinion

Sa libo, marahil daan libo nang natutulungan, naiibsan at nalapatan ng lunas ang mga simpleng suliranin sa buhay, mayroon nang “kalalagyan sa langit” si Raffy Tulfo.

Ngunit iba ang “calling” niya ngayon. Mas mataas sa pagtulong. Paglilingkod! Kung susumahin, hindi na kailangan ni Raffy Tulfo maging Senador pa kung ang tanging pakay lamang ng kagaya niyang kandidato ay para makatulong.

Napagtanto niya na band-aid solutions lamang ang araw-araw na ginawa ng Diyos upang maidulog sa pamahalaan at matulungan ang mga api at hikahos lalo na sa hanay ng OFWs, manggagawa at magsasaka.

Ibig nyang pundamental na lunasan ang mga pang-araw araw na mga suliranin na nailalapit sa kanya. Bakit sa Senado? Dahil sa napakaraming batas na nahulma ng mga napakahuhusay na mga mambabatas, napakarami din ang hindi na napapanahon at nararapat nang baguhin, ipihit ayon sa inog ng panahon at bigyang ngipin at patatagin pa.

Ang kawalan ng taumbayan kay Raffy Tulfo sa direktang gawaing pagtulong, ay kawagian sa pagpanday ng mga batas na naayon sa kalam ng sikmura ng bawat Pilipino. Bakit hindi natin bigyan ng pagkalataon na maipakita ng isang katulad niya ang taglay na karanasan sa direktang pagtulong sa masa upang makapaglingkod?

Wag nang magpalinlang sa mga ipinapangako ang araw at buwan na mga pabalik-balik at malalaking pangalan na mga pulitiko. Bigyang daan ang mga subok na sa pagtulong!