Bakuna sa COVID-19… Palaisipan pa rin!

Daplis Walang Mintis

Di pa sigurado kung kailan darating ang araw na pipila ka napara sa bakuna kontra Covid- 19. Sa ngayon, marami pa rin ang pumipila sa pagkuha ng travel pass para makapunta sa gustong puntahan. Kung sa pilahan sa pagkuha ng health certificate…may mga napepeke pa….ano na kaya pag dating sa bakuna? Diyan kasi magaling si Pinoy sa pekehan, di ba?

Alam na ngang mabigat ang parusa..sige pa rin ng sige. Kapag nabuko…maski sa loob ng piitan…tira pa rin ang kayang illegal na gawain. Tsk tsk..Pinoy nga naman. Pero teka…bakit nagiging palaisipan pa rin ang bakuna sa ngayon? Magpapasko na. Pero marami sa ating kababayan ang nagkikibit-balikat basta’t mairaos lang ang Kapaskuhan.

Di alintana ang maaring ibunga ng pagsuwag sa mga tuntunin. Sabi ng ilan, di baleng ma- Covid basta’t maging masaya ang kanilang Pasko at Bagong Taon. May kanya-kanya tayong pananaw. May sarili tayong daan kung papano iraos ang pasko. Marami sa atin ang wala lang.

Ngunit mas marami sa atin ang tunay na nadarama ang katuturan ng araw ng pagsilang ni Hesus bagama’t ang ibang lahi ay talagang wala lang. Pero sa nakagisnang tradisyon…ano pa man ang kinasasadlakang parusa o biyaya sa ating buhay, kaakbay na natin ang Pasko bilang palamuti ng ating tradisyon o pananampalataya.

Meron nga diyan na taliwas sa kanilang paniniwala ang araw ng kapanganakan ni Hesus pero sa kanilang gawi, ay nakabase naman sa naturang araw ng pagsilang. Ganyan talaga ang buhay. Sa ngayon ngang nasa bingit tayo ng kaway ng kamatayan dahil kay Covid-19, pero marami sa atin ang umuusal ng katatagan na kung “oras mo na, oras mo na talaga”- Amen!

Masarap salubungin ang Pasko at Bagong Taon na laging nakatuon ang ating diwa’t damdamin sa mas maaliwalas na bukas. Pero napakasakit sa damdamin ang kalagayan ng ating mga kababayan na lugmok na lugmok na sa mga trahedya gaya ng bagyo, baha, sunog at iba pa. Sa gitna ng pagsasaya ng marami sa ganitong situasyon ….nasa rurok pa rin sila ng tiklop-tuhod na dumadalangin na sana’y damayan sa kanilang dahop na kalagayan.

Pero ang mas masakit…sa gitna ng kanilang dukha at lunos nakalagayan, nakukuha pa rin nilang ngumiti at tanggapin ang alay na lingap ng Poong Maykapal. Di tulad ng iba…sa rangya ng kanilang naabot sa buhay….nakakalimutan na nilang may Diyos at may Poong Hesus na nasilang at napako sa krus para sa kanilang kawalanghiyaan o kasalanan.

Yan ang mga taong sana ay subukan ni Covid-19 na bigyan ng leksiyon at aral upang magbago bago mahuli ang lahat. Dalangin natin…sana, sa madaling panahon ay dumating na ang bakunang hintay laban sa pandemya. Grabe na ang hagupit nito sa lahat ng antas ng ating buhay. Di na nga malaman kung saan at kanino susuling. Pero, sa pagkakaisa at pagiging matatag…sabi nga ng nakararami….kaya natin ito.

Alagaan natin ang ating kalusugan. Sabi nga ng ating mga bayani: habang tayo’y nasusugatan, dapat lalong magibayo ang ating tapang para sa bayan. At sa puntong ito…lagi nating kalasag at panindigan ang walang kamatayang talata ng buhay : mahalin mo ang iyong kapwa, kahit pa siya ay iyong kaaway! Adios mi amor ciao, mabalos.