“BALAKING ITAYONG ANIM NA NUCLEAR PLANTS SA LABRADOR, PANGASINAN ITINATAGO NGA BA?”

Anim, hindi lang isang nuclear plant ang balak itayo sa Labrador, Pangasinan. Puno ng katanungan ang bumabalot sa balaking ito. Isa na dito kung anong kumpanya ang magtatayo at mangangasiwa nito? Uutangin ba ulit ang pondong gagamitin upang itayo ang mga ito? Sa kabila ng wala pang
paglilinaw na naisasagawa, umarangkada nang mangalap ng suporta ang lokal na pamahalaan
ng Labrador sa pamamagitan ng pagpapapirma ng animo’y “consent affidavit” sa mga mamamayan.

Ito’y sa gitna ng pag-amin naman ni Labrador mayor Ernesto Acain na may ipinakakalat na survey upang kalapin ang saluobin ng mga mamamayan, particular kung sila ba’y pabor sa maitatayong anim na nuclear power plants sa kanilang bayan. Inaalam nga pa ba ang saluobin ng mga Pangasinense o kinakalap na ang pag-sang-ayon nila? Noon Enero, naglunsad daw ng isang public consultation kung saan tinalakay ang mga teknikal na aspeto ng sari-saring power generation plants, pati na ang nuclear power plant.

Ipinangalalandakan ang mahalaga at malaking benepisyo ang pagtatayo ng nuclear power plant gaya ng walang polusyon at murang elektrisidad sa mga kabahayan at pagawaan. Nangungumbinsi nang sa pamamagitan ng nuclear energy, magkakaroon ng maasahang pagmumulan ng murang enerhiyang makakahikayat ng mga mamumuhunan sa bansa. Ngunit may namumuong agam-agam ang mga Pangasinense.

Ang mga konsultasyong bang isinasagawa’y mananatiling sa bayan ng Labrador lamang o dapat pati na rin sa iba pang bayan sa buong probinsya? Nangangailangan ng tapat na paglalahad sa mamamayan ng mga detalye ng balakin gaya ng gaano ba kalaking mga planta ang itatayo? May feasibility study bang nailunsad upang mawari kung talagang magbebenepisyo ang mamamayan at bayan ng Labrador sa mga planta?

May pagtantya rin bang naisagawa sa mga kaakibat na panganib ng nuclear plant sa kalusugan at kapaligiran ng Labrador, pati ng buong Pangasinan? Sa namumuong ligalig sa damdamin ng mga Pangasinense, ano ang ibig ipahiwatig ng nakakabinging katahimikan sa bahagi ni Governor Ramon Guico III at si Congressman Mark Cojuangco ng pangalawang distrito ng lalawigan? Nais kaya nilang  manatiling tahimik ang mga mamamayan upang maisagawa ang balakin na sa badang huli’y maaaring peligro ang dulot?

CHANGE THE LAW

STL RESULT

Amianan Balita Ngayon