Bangkay, nakita sa abandonadong sasakyan sa La Union

Police Patrol

CAMP BGEN OSCAR M FLORENDO – Nadiskubre ang nakasakong katawan ng lalaki sa isang inabandonang sasakyan sa Orodio Road, Sitio Killo, Brgy. Corro-oy ng Santol, La Union noong Hulyo 22, 2018.

Ito ay matapos na iniulat ng barangay council at mga kasapi ng Barangay Peacekeeping Action Teams ng Brgy. Corro-oy sa kapulisan ang nakita nilang abandonadong sasakyan habang nagsasagawa ng road clearing operations dakong ika-7 ng umaga ng naturang araw.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Santol Municipal Police Station at napansin ang tumatagas na dugo mula sa sasakyan. Nakita nila ang katawan ng taong nakalagay sa sako sa trunk ng sasakyan kaya naglagay agad sila ng cordon sa nasabing lugar at humingi ng agarang tulong sa SOCO Crime Lab 1, HPG Region 1 at EOD Region 1.

Ang naturang sasakyan ay isang Toyota Innova na may conduction sticker number VX 0022 at nakarehistro sa pangalan ni Cesar Tanguli Cabungcal ng Villa Fojas, St., Gagalingan, Tondo, Manila.

Matapos masuri ang crime scene, iniulat ng SOCO Team na ang katawan ng tao na nakabalot sa dalawag sako ay kinilalang si Reynard Ocenar Mostoles, 23, residente ng Brgy. Nagrebcan, Luna, La Union.

Nagtamo ang biktima ng isang gunshot wound ng hindi pa malamang calibre ng baril sa kaniyang kanang pisngi at kanang hintuturo. Agad itong dinala sa Balaoan District Hospital subalit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

May kaugnayan diumano si Mostoles sa “Ramos Group”, at dati umanong bodyguard ni Vice Mayor Jessi Ermitanyo ng Marcos, Ilocos Norte, ang suspek sa pagpatay kay dating Mayor Arsenio Agustin ng parehong bayan noong Hunyo 3, 2017. Inilabas ang search warrant sa bise mayor noong Hulyo 19, 2017 sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ayon kay Police Chief Superintendent Romulo Sapitula, regional director ng PRO1, na ginagawa ng PNP ang kanilang makakaya upang mahuli at maipakulong ang responsable sa krimen at bigyan ng hustisya ang pamilya ng biktima.