Bangkay ng isang lalaki, natagpuan sa Burnham Park

LUNGSOD NG BAGUIO – Hanggang ngayon ay wala pa ring makapagturo sa pagkakakilanlan ng isang lalaki na natagpuan sa Burnham Park noong umaga ng Abril 26 na nakahandusay sa isang halamanan na may tama ng isang saksak ng ice pick sa kanyang dibdib.
Ayon sa pulisya, nasa limang talampakan mahigit ang biktima na nasa edad na 25 hanggang 30, naka-maong pants at may tribal tattoo sa kanang braso, may pulang sling bag na may lamang isang electrical tape, maliit na pitaka na lagayan ng barya at isang supot na may tira-tira ng dahon ng tuyong marijuana. Nakita ng isang lalaki na nagjo-jogging ang nasabing bangkay sa may halamanan sa kahabaan ng Jose Abad Santos noong Miyerkules ng madaling araw.
Agad namang ipinagbigay-alam ng nakakita ang nasabing bangkay sa pulisya na agad dumating kasama ang grupo ng SOCO–PNP at napag-alaman na may tama ng isang saksak ng ice pick ang nasabing biktima.
Sinabi naman ni Ramon Bagatey Bulakit, isang sekyu ng Interlink Security Agency, na noong gabi bago makita ang bangkay ay may mga kalalakihan siyang itinaboy na malapit na pinangyarihan ng krimen. Ace Alegre / ABN

Amianan Balita Ngayon