Bangkay ng lalaki, natagpuan sa loob ng garbage bag

Police Patrol

Natagpuan ang hindi pa nakikilalang bangkay ng lalaki na nakasilid sa itim na garbage bag na nakita ng mga tagakolekta ng basura sa Lower Magsaysay Avenue, ilang hakbang lamang mula sa barangay hall, umaga ng Agosto 12, 2018.

Nakasuot ng brown t-shirt, itim na maong na pantalon, at itim na Nike rubber shoes ang lalaking bangkay na mayroong stab wound sa kaniyang kilikili at dalawang punctured wounds sa kaniyang likod, may nakasulat na “Akyat Bahay” at “Mando” sa itim na marker sa kaniyang dibdib.

Mayroon ding piraso ng papel na may nakasulat na “Akyat Bhay @ Mando ako”, “whos next”, “your next,” “hehehehe” na nakasilid din sa loob ng garbage bag.

Nadiskubre ang bangkay ng lalaki ni garbage collector Dominador Caranza bandang 6:15am ng Agosto 12 katabi ng New Norman Trading at kaharap ng JMZ Construction Supply, baba lamang ng Baguio Central University at ilang hakbang mula sa Lower Magsaysay Barangay Hall.

Nakita rin ng mga imbestigador sa crime scene ang blue HP sling bag na naglalaman ng pink lighter, dalawang P5 coins, P3 coins, at itim na wallet na naglalaman ng apat na piraso ng One Malaysian Dollar, isang 2,000 Indonesian Dollar, at sampung Indian Rupee ang natagpuan sa garbage bag.

Natagpuan din bandang 5:52am ng Agosto 11 ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki, tinatayang 25anyos hanggang 30 anyos, sa skating rink ng Burnham Park.

Ang biktima ay medium-built, fair skinned at tinatayang 5 foot 5 inches ang tangkad, nakasuot ng itim na slacks pants, black socks, black leather shoes, gray jacket na may hood at puting t-shirt. May nakikitang sugat sa kaniyang mukha at kaliwang tainga.

Ayon sa otoridad, nang buksan ng caretaker na si Christopher Lagario, 32, ang gate ng skating rink upang buksan ang tangke ng tubig at upang itapon ang basura, natagpuan nito ang katawan ng biktima na nakahandusay kung kaya tinawag nito lady security guard na si Mherly Manongyao upang iulat ang kaniyang nakita.

Natagpuan ng mga imbestigador sa crime scene ang plastic transparent lunch box na may blue lid, blue canister, sirang pink na payong, at itim na quartz wristwatch. A.ALEGRE