Bangkay ng lalaking sinakal ng sinturon, natagpuan

Nakahandusay at may nakapulupot na sinturon sa leeg nang natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa Lower Balacbac, Sto. Tomas Proper, Baguio City noong Setyembre 5, 2018.
Sa ulat ng Baguio City Police Office, dakong 6:50 ng gabi nang inireport ni Punong Barangay Josephine Balusdan ng Sto. Tomas Proper sa Station 10 ang tungkol sa patay na katawan na nadiskubre nila ni Kagawad Elsie Kiswa, dakong 6:20pm.
Ang lalaki na tinatayang nasa 40s ang edad ay nakasuot ng blue collared polo shirt, black cargo pants, brown leather hi-cut shoes, lacoste red ball cap, at isang brown leather belt na nakapulupot sa leeg nito.
Ayon sa ulat, dakong 6pm nang isang sasakyan ang huminto sa harap ng barangay hall upang ipagbigay-alam ng driver sa kapitana ang tungkol sa nakitang bangkay na agad namang pinuntahan nina Balusdan at Kiswa upang mapatotohanan ang ulat.
Nang makitang totoo ang naturang ulat ay agad nakipag-ugnayan ang mga opisyal ng barangay sa mga pulis.
Patuloy pa rin ang pagsisiyasat ng kapulisan sa insidente.

Amianan Balita Ngayon