“BANTAG, ZULUETA, NASAAN NA NGA SILA?”

Naglabas na ng “hold departure order” ang Bureau of Immigration sa mga puganteng dating
alagad ng batas na sina dating hepe ng Bureau of Corrections (BUCOR) Gerald Bantag at kanang kamay nitong si Ricardo Zulueta. Marahil susunod na ang milyon o di kaya bilyong reward money para sa sinumang makapagtuturo kung saang lungga nagsipagsuksok ang pinaparatangang
pumaslang sa broadcaster na si Precy Lapid at presong si Jun Villamor.

Tiyak na kung maglalabas ang pamahalaan ng reward sa ulo ng dalawa, mas mabilis pa sa alas-kwatro ang paghuli sa dalawang siga noon sa National Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa na ngayo’y tingurian nang pugante. Syento-porsyentong mag uunahan ang karamihang magsipagbigay ng impormasyon ukol sa dalawa, sa tulak ng pera at hindi ang hustisya. Nanatili na ring tahimik
ang kampo nila Bantag at Zulueta ukol sa mga pormal na paratang ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ).

Pati mga diumano’y taga suporta’y hindi na maringgan ng pahayag. Nangangahulugan bang untiunti na ring naglaho ang suporta sa kanila o sadyang “superficial” lang talaga ang “ingay”ng mga ito noong wala pang pormal na asunto? Hindi kaya ang mga dating taga-suporta na rin ang
sikretong nakikipag-ugnayan sa mga otoridad na tumutugis sa dalawang pugante upang magbigay ng impormasyon para maisakdal na ang dalawang noo’y tagapag-patupad ng batas at ngayo’y kapwa tinutugis ng batas?

Butihin na sanang kusang sumuko na lang ang dalawa sa lalong madaling panahon upang buong tapang nilang harapin ang mga ipinaparatang sa kanila sa husgadong maglilitis sa mga kasong ipinaratang at maaring iparatang pa. Tutal, kung wala naman talagang kasalana’y wala silang ikinatatakot na humarap sa batas, na ayon sa kanila’y “matagal nilang pinatupad” nang sila’y nasa serbisyo pa. Tiyak na alam naman ng dalawang pugante na signos ang pahayag ng mga tumutugis
sa kanila na sila’y “armed and dangerous”.

Parehong mga galing sa armadong serbisyo ang dalawa at tiyak na alam nila na sa pagkakataong may banta sa seguridad ng mga tumutugis sa kanila’y, may “presumption of regularity” sa otoridad upang gamitin ang iginawad sa kanila ng batas na kapangyarihang “ineutralize” ang mga pugante.
Kaparehong mahalaga ang buhay at kalayaan ng mga akusado lalo na kung silang mapatunayang walang pagkakasala, ngunit lubhang mahalaga ang hustisya!

Amianan Balita Ngayon