Banyaga, binugbog sa loob ng bar

LUNGSOD NG BAGUIO – Nagkamalay na lamang ang isang banyaga sa loob ng ospital matapos itong nakipag-inuman sa isang bar sa Leonard Wood Road, M. Roxas, Baguio City habang ang suspek na nambugbog sa biktima ay hindi pa rin nakikilala.
Sa ulat ng Baguio City Police Office, ang biktima na nakilalang si Danny Melvin, 32 anyos, American national, online web designer, at residente ng TipTop, Ambuklao Road, Pacdal, Baguio City, ay pumasok sa Red Lion Bar, Leonard Wood Road, sa pagitan ng 9am hanggang 10am noong Setyembre 23, 2018.
Ang biktima ay nakipag-inuman sa iba pang kustomer at bouncer sa naturang bar. Matapos nito ay nadiskubre na lamang ng biktima na nasa Baguio General Hospital na ito at may mga tinamong pinsala sa katawan.
Ang insidente ay naiulat lamang sa Station 3 ng BSPO ng 8:35 ng gabi.
Sa panayam kay Orlando Bañas, bouncer ng naturang bar, ay sinabi nitong nakita niya ang biktima na nakahandusay sa sahig at duguan ang ulo kaya isinugod sa ospital ang biktima.
Samantala, hindi pa nakausap ang mga bouncer na nakainuman ng biktima na kinilalang sina Reagan Quinto, residente ng Lourdes Dominican, at Ricky Batingal, residente ng Teachers Camp.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa pangyayari.

Amianan Balita Ngayon