Barangay bingo social hihigpitan

LUNGSOD NG BAGUIO – Dadaan sa mas istriktong alituntunin ang mga barangay na nabigyan ng awtoridad upang magsagawa ng mga aktibidad na bingo social para sa kanilang fund-raising drives uoang masiguro na susunod sila sa mga panuntunang itinakda para sa pagsasagawa ng mga nasabing aktibidad.
Noong nakaraang linggo ay tinanggihan ni Mayor Benjamin Magalong ang mga panukala mula sa mga barangay na magsagawa ng bingo socials matapos makatanggap siya ng mga ulat na muling bumalik ang mga iligal na laro gaya ng drop ball sa ilang lugar.
Dahil sa ulat ay nag-utos ang mayor ng “raids” sa mga iligal na aktibidad na ito at nagdadalawang-isip siya kung papayagan niya ang ganitong aktibidad.
Gayunman, matapos ikonsidera ang problema ng mga barangay na nangangailangan ng mga pondo upang mapanatili ang kanilang programa ay sumangayon ang mayor kay Association of Barangay Councils (ABC) President Councilor Michael Lawana na payagan ang apat na barangay na nagsumite ng resolusyon na humihiling ng awtoridad upang magsagawa ng kanilang fundraising games.
Sa hiwalay na pag-endorso na inisyu ni Lawana, ang barangay Lower Magsaysay, Kayang-Hilltop, Kagitingan at Rizal Monument ay nabigyan ng “go signal” upang magsagawa ng bingo games sa loob ng 15 araw mula Setyembre 20 hanggang Oktubre 4 sa kani-kanilang barangay subalit napapaloob sa mga kondisyon.
Ilan sa mga kondisyon ay ang isriktong pagsunod sa Administrative Order No. 79 series of 2012 na nagtatakda ng panuntunan sa operasyon ng bingo social activities sa lungsod at Local Government Code. Sa ilalim ng AO 79 na inaprubahan sa panahon ni dating mayor Mauricio Domogan, kailangang magsumite anag mga barangay ng isang resolusyon at isang project proposal na nagdedetalye kung saan mapupunta ang pondo at audited financial report matapos ang aktibidad.
Walang tao na mas mababa sa 18 taong-gulang ang papayagang maglaro o magpakalat-kalat sa lugar at ang mga premyo ay lahat “in-kind”.
Sa ABC endorsement, ang bingo social activities ay kailangan nasa loob lamang ng palibot ng barangay at kailangang hindi kabilang ang anumang uri ng iligal na sugal o laro.
Naatasan ang Baguio City Police Office na imonitor ang mga aktibidad upang masiguro na walang pagsusugal o iligal na alro ang pahihintulutan.
Maliban dito, kailangan siguruhin ng barangay na ang kapayapaan at kaayusan at kalinisan sa lugar. Ang paglabag sa alinmang kondisyon ay awtomatikong mapapawalang-bisa ang endorsement.
Dahil dito, sinabi ng nayor na magkakaroon silang mga paraan kung paano makakatulong ang lungsod hindi lamang sa pagpapahintulot sa kanila na magsagawa ng fund-raising activities kundi sa pamamagitan ng sustainable at makabuluhang proyekto.
Sa kaniyang pag-upo bilang punong ehekutibo ay naglabas si Magalong ng “marching orders” kabilang na ang pagpapatigil sa lahat ng aktibidad ng pagsusugal sa lungsod.
Hinmok niya ang publiko na tumulong sa pagmonitor sa mga aktibidad ng barangay at ireport anganumang paglabag.
 
APR-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon