Barangay Chairman, timbog sa armas at bala

ROSALES, Pangasinan – Sa bisa ng search warrant, hindi nakapalag ang isang Barangay Chairman at kasalukuyang presidente ng Association of Barangay Captains (ABC) sa bayang ito matapos salakayin ng pulisya ang kanyang bahay dahil sa pag-iingat nito ng de-kalibreng baril at bala.
Nabatid kay Police Regional Office-1 regional information officer Mary Crystal Peralta na agad nagpalabas ng search warrant si Regional Trial Court Branch 70 Judge Mervin Jovito Samadan ng Burgos Pangasinan, matapos makumpirmang nagiingat ng di-lisensyadong armas si Crisanto Simos Coloma, 65, Barangay Chairman ng Barangay San Pedro West, Rosales, Pangasinan at kasalukuyang ABC President.
Ayon kay Peralta, dakong alas 6:00 ng umaga ng Hunyo 6, nang ihain ang search warrant ng magkakasanib ng tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-Regional Force Unit 1, Intel and Invest (RSOT), CIDG Urdaneta SATT3 (Lead Unit) at Rosales MPS sa bahay ni Coloma.
Agad na dinakip si Coloma matapos masamsam ng raiding team ang isang cal.45, no markings, with SN 882258 (unlicensed); isang homemade cal.38, without serial number; 46 pcs live ammo for cal.9mm; 43 pcs live ammo for cal.38; 26 pcs live ammo for 12 gauge shotgun; 15 pcs live ammo for cal .45; isang live ammo for M16 rifle; isang ammo for M203 rifle grenade; isang long magazine for 12 gauge shotgun; isang short magazine for 12 gauge shotgun; 2 pcs magazine for cal.45; 2 holster colored black and camouflage; at 2 sling bag, colored black.
Iniutos naman ni Police Brigadier General Joel Orduna, regional director, sa kapulisan na paigtingin ang mga search operation laban sa mga taong nag-iingat ng mga loose firearms upang mapanatili ang peace and order na siyang inaasam-asam ng mga mamamayan.
 
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon