Barangay kagawad arestado, shabu nasamsam sa Pangasinan

LINGAYEN, PANGASINAN – Nasamsam ang halos 35 sachets at isang malaking sachet ng methamphetamine hydrochloride o shabu sa isinagawang raid ng pulisya sa bahay ng isang barangay kagawad sa bayan ng Bani noong Miyerkules, Hunyo 21, ayon sa ulat ng Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) noong Huwebes.
Naaresto ng mga pulis sa kaniyang tahanan sa bisa ng search warrant si Philip Ramones, incumbent barangay kagawad ng Ambabaay, Bani, at kinilalang high-value target ng illegal drugs sa nasabing bayan.
Ang operasyon ay sakop ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court (RTC) branch 70 ng bayan ng Burgos.
Ayon kay Chief Inspector Amor Mio Somine, chief of police ng Bani, si Ramones ay isang drug surrenderer na bumalik sa kanyang illegal na gawain.
Nasamsam din sa bahay ni Ramones ang mga drug paraphernalia, kabilang ang tatlong lighter.
Ang operasyon ay awtorisado ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 ng San Fernando City, La Union pagkatapos ng kanilang pagmamatyag.
Patuloy pa rin ang manhunt sa iba pang drug personalities ng bayan na pinaniniwalaang kasama ng naarestong suspek, ani Somine. LEONARDO V. MICUA/PNA

Police Patrol

AMIANAN POLICE PATROL

Amianan Balita Ngayon