Basura sa Baguio tumaas ng 30% nitong Pasko at Bagong Taon

LUNGSOD NG BAGUIO – Sinabi ng City General Services Office (GSO) na ang dami ng basura na naipon sa panahon ng kapaskuhan at bagong taon ay lubhang lumaki ng higit 30 porsiyento kumpara sa basurang naipon sa mga karaniwang araw sa lungsod.

Iniulat ni GSO officer Eugene Buyucan na mula sa normal na 170 tonelada ng residual waste na nakokolekta sa lungsod sa mga karaniwang araw ay tumaas ito sa 200 tonelada araw-araw mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 30, 2019 na naobliga ang mga personnel na nakatalaga sa pagkolekta ng basura na magtrabaho ng doble.

Sinabi niya na hiniling din ng lungsod sa operator ng sanitary landfill sa Urdaneta City, Pangasinan na siguruhin bukas ang pasilidad sa panahon ng kapaskuhan at bagong taon upang hindi matambak ang basura ng lungsod sa waste transfer station sa Baguio Dairy Farm.

“We had to make extra effort to ensure the generated residual waste in the different barangays will be collected on time despite the significant increase in the volume of the garbage produced by the residents and tourists alike due to the Yuletide celebrations,” ani Buyucan.

Sinabi niya na may ilang hindi inaasahang pagka-antala sa koleksiyon sa mga barangay dahil sa trapiko na sanhi ng pagka-antala sa pagbabalik ng mga truck ng basura mula sa transfer station hanggang sa pickup points.

Ayon sa kaniya, ang koleksiyon ng basura sa iba’tibang barangay ay nagumpisang mag-normalize noong Disyembre 31, 2019 dahil sa ang bilang ng mga bisitang umakyat sa Baguio ay nagumpisa ng mabawasan.

Nanawagan ang opisyal ng GSO sa mga residente sa kanilang lubos na pang-unawa sa panahong may pagka-antala sa koleksiyon ng basura dahil sa mga di-maiiwasang pangyayari ngunit siniguro sa mga tao na ang mga basurang dinadala sa pickup points sa mga nakatakdang araw ng koleksiyon ay magagawa.

Sinabi ni Buyucan na ang residual wastes sa iba’t-ibang barangay ay lubhang dumami noong Disyembre 24 at 25, 2019 kung saan kailangan bumalok ang mga truck ng basura ng hanggang apat na beses upang masigurong lahat ng basura ay nakolekta.

Sinabi niya na ang paghakot ng residual wastes ng lungsod ay siya pa ring pinakamabuting paraan laban sa isang seryosong problema ng basura sa lungsod habang ginagawa ng pamahalaang lungsod ang realisasyon ng plano nitong waste-to-energy plant malapit sa kasalukuyang transfer station.

Sinabi niya na sa kaso ng biodegradable waste, parehong inilalagay ito sa kasalukuyang Environmental Recycling System (ERS) machines habang ang recyclable waste at kinokolekta ng mga volunteers na sumasama sa mga truck ng basura.

DAS-PIO/PMCJr.-AB

Amianan Balita Ngayon