Batas sa diborsiyo, sagot sa ‘sawing kasal’ – masasanay at matatanggap din?

Ang tao ay gumagawa ng sariling desisyon at pagpili, lalo na ang mga nagnanais na magkaroon ng magandang buhay, magkaroon ng sariling pamilya at maabot ang mga pangarap – ito ang nais nila bago makipag-asawa at ikasal. Maaaring gamitin ng tao ang kaniyang lohika, pakiramdam o mga palagay para gabayan siya upang makagawa ng inaakala niyang matalinong pagpili o mga desisyon.
Subalit, sa ating pagkakaalam ay hindi laging napipili ng tao ang tamang opsiyon sa buhay. May pagkakataon na ang pinapaniwalaan niyang tama, nararamdaman, o inaakala na isang tumpak na hakbang noong una, ay humahangga pala sa kasawian. Kasama sa mga kasawiang ito ang pagpapakasal (mali ang taong pinakasalan).
Pinakaunang dahilan ng tao kaya nagpapakasal ay dahil sa pag-ibig, andiyan din ang dahil sa seguridad   o kaginhawaan sa buhay, maaari din ang ipinagkasundo ng mga magulang (na sa unang panahon pang nakasanayan), o dahil sa kahihiyan ay napilitang magpakasal, o kaya’y huwag lang masabing walang asawa ay nagpakasal na. Dahil paniniwalng sagrado ang kasal ay nirerespeto ito ng marami bagaman pilit namang nirerespeto ng iba. Noon ay hindi ganoon kalaya nating nakikita ang mga hindi magagandang eksena sa loob at bawat sulok ng isang bahay ng mga mag-asawa, hanggang, dahil sa pag-unlad ng komunikasyon at pagkamulat ng mga biktima ng iba’t ibang pagmamalupit at mga isyung sumisira sa buhay mag-asawa ng mga ikinasal ay nakita ang masalimuot at malala na lalong lumalalang problema. Ang ilang biktima ng pagmamalupit, karahasan o problema ay dinadaan na korte upang makalaya lamang sa ‘bilangguan ng sawing buhay may-asawa’ sa pamamagitan ng ‘legal separation’ o ‘annulment’ na pawang magastos na paraan. Ang ilan naman ay lumalayas na lamang. Ngunit ang nakakasuklam malaman ay mas maraming nagtitiis na lamang sa ganoong sitwasyon dahil sa pagnanais maisalba ang relasyon at kasal at ang iba naman ay nagtitiis dahil wala ng mapuntahan o alternatibo. Ang pagtitiis nila ay sa paraang pisikal, emosyonal o pinansiyal na maaari nating tingnan bilang pagka-martir.
Marahil ay maaari nang ngumiti ang mga biktima ng ‘sawing kasal’ dahil aprubado na ng mababang kapulungan ng kongreso ang batas sa diborsiyo at takdang iakyat na sa senado at kung sang-ayunan ito ng mga senador ay tuluyan na itong maging ganap na batas dahil aminado naman dito si Pangulong Rodrigo Duterte. Mula pa taong 1999 ay isinulong na ang diborsiyo na walang-sawa ring tinututulan at binabatikos ng simbahan. Ang Pilipinas at Vatican City na lamang ang hindi pinapahintulutan ang diborsiyo sa buong mundo.
Dahil sa pananampalataya at paniwalang sagrado ang kasal ng mga Pilipino ay tila nakakarami ang hindi pabor sa diborsiyo, marahil ay tagumpay ang kanilang buhay may-asawa. Paano naman ang mga nagtitiis at walang boses na ihayag ang kanilang kagustuhang magkaroon ng diborsiyo at makalaya sa hawla ng sawing kasal – sila na direktang biktima?
Ang batas sa diborsiyo ay para ding TRAIN Law na sa loob lamang ng isang buwan ay nakalikom na ang BIR ng P2 bilyon, isang patunay na nagiging epektibo ang batas sa paglikom ng buwis at unti-unting nasasanay na ang tao sa kabila ng mga pagtutol ng marami. Kapag naging ganap na batas na ang diborsiyo gaya ng TRAIN Law at iba pang mga batas ay masasanay at matatanggap din ito ng mga Pilipino lalo na kung nakikitang epektibo na ito at dahil may batas ang Diyos at may batas ang tao – masasanay at maniniwala din tayo. Pero sana’y ang batas sa diborisyo ay huwag gamitin upang mapagbigyan lamang ang pansariling interes ng tao.                                                                                                                     PMCJr.

Amianan Balita Ngayon