Batikusan at Siraan sa SEAG…Tigilan na!

Natatapus lang ang malaking kontrobersiya sa pagkakasibak kay VP Leni Robredo bilang cochair ng ICAD…heto na naman ang isa pang higanteng tensiyon ngayon sa bansa. Ito ang mga isyu, upakan, banatan, siraan, batikusan sa mga eksena ng SEAG – South East Asian Games na ginaganap ngayon sa ating bansa.

Di pa man nakakalayo (dahil pormal pa lang na nagbukas ang mga laro kahapon sa pamamagitan ng opening ceremony na ginanap sa Phil. Arena sa Bulacan)…. Patung-patong na ang mga kasiraang ibinabato sa mga organizers at mga opisyales ng palarong ito ng Asya. Usisahin natin, pards:
******
Unang tanong: napaghandaan raw ba ng ating bansa ang pag-ho-host ng SEAG? Malaking “oo” ang sagot. Dangan lang ay naantala daw ang budget. Dahil dito, hindi agad nakapagsimula sa mga dapat ihanda para sa malakihang palarong ito ng Asya.

Bakit naantala ang budget, tanong nila? Dahil daw sa pambubusisi ng Senado sa pamamagitan daw ni Sen. Drilon. Kinaltasan kasi ang budget na hinihingi sa halagang dalawang bilyong peso. Natural, malaking kabawasan ito sa paghahanda sa lahat ng antas ng pagiging-host ng SEAG.

Pero sinikap pa ring humabol ang buod ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee na pinamumunuan ni Hse. Speaker Allan Peter Cayetano. Katunayan nga, nagsimula na daw ang ilang laro habang ginagawa pa rin ang ilang venue.

******
Ang masaklap, sumunod na nagsulputan ang mga diumano’y reklamo ng ilang mga delegado. Nariyan ang hinggil sa tirahan, pagkain at etsetera pang kakuwanan. Lumalabas na may mga “pekeng” balita na ang pakay ay sirain ang imahe ng Pilipinas (natural pati na ang administrasyon) sa pananaw ng Asya at mundo. Ayon naman sa ilang opisyal ng Phisgoc…”isolated” incidents lang diumano ang mga report.

Pinalaki lang na parang gustong gawing higante upang masira ang imahe ng hostcountry. Dahil sa mga samotsaring banat…nagbabala na si Pangulong Duterte (kahit pa nasa Busan, South Korea kamakailan) na mananagot ang mga may pagkukulang sakaling mapapatunayang totoo ang mga sumbong. Bilin nga niya kay Sen. Christopher Bong Go na tiyaking hindi mapapahiya ang bansa sa pagdaraos ng SEAG.

Dapat na ituloy lang daw ang ginagawa sa ngayon at saka na raw pag-usapan ang mga reklamo. “Nagkausap po kami kagabi ni Pangulo sabi niya, ituloy niyo lang at mamaya na natin pag-usapan ang mga reklamo. With barely four days to go, we can’t afford to fail, host tayo dito, di tayo dapat puwedeng mapahiya,” dagdag na ulat ni Sen. Bong Go. May panukala din siya sa Pangulo na mabigyan sana ng insentibo ang mga atletang mananalo upang lalo pa silang magpursigeng lumaban sa kabila ng mga kontrobersiya.

******
Ipinagmalaki nga ni Senate President Vicente Sotto na hindi hamak na mas maganda pa rin ang preparasyon ng Pilipinas sa pagho-host ng SEAG kumpara sa mga bansa na nag-host na nito. Sabi ng senador na ilang beses na siyang nakalahok bilang atleta sa SEA Games noong 1970s kung saan pinabayaan sila ng host country dahil gusto na matalo sila pero nakapag-uwi din sila ng medalyang ginto.

Iginiit pa niya na hindi obligasyon ng host country na pakainin ang mga dayuhang participants. Inihalimbawa pa niya na noong lumahok sila sa SEA Games, sagot nila ang lahat ng gastos. Sa kasalukuyan…naghihintay na ang marami kung ano ang kalalabasan ng mga isasagawang imbestigasyon pagkatapos ng naturang palaro.

Marami na rin ang sabik sa kung ano ang bigwas ni Pres. Duterte at kung sinosino ang mabibigwasan. Idalangin natin na sana’y magtagumpay lahat ang ating mga atleta at isantabi muna ang mga kontrobersiya. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Daplis Walang Mintis

Amianan Balita Ngayon