BBM ‘Unity Ride’ sa Ilocos 100K ang lumahok

LUNGSOD NG LAOAG – Umabot sa 100,000 motorcycle riders na nakasuot ng pulang damit at may hawak na maliliit na bandila ng Pilipinas ang sumakop sa Manila North Road sa hilagang bahagi ng Luzon noong Linggo (Nobyembre 21) bilang pagpapakita ng pagkakaisa at suporta para kay Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) na kandidato sa pagka-pangulo.
Sa isang panayam kay Maj. Eddie Puyat, police chief ng bayan ng Paoay, ay sinabi niya na nagsagawa ang Philippine National Police (PNP) ng isang traffic management plan at inalerto ang lahat ng police units sa tulong ng Provincial Mobile Force Company at kanilang force multipliers sa mga barangay upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko at maprotektahan ang mga kalahok.
Habang inamin niya na mahirap kontrolin ang isang malaking grupo ng mga tao lalo na sa pagpapatupad ng health and safety protocols,
nanawagan si Puyat sa lahat ng kinauukulang kalahok namakibahagi upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (Covid-19).
“The event went smoothly and it did not cause too much traffic because they have designated several pit stops,” ani Puyat.
Ang Unity Ride na inorganisa ng iba’t-ibang grupo ng riders ay tumagal ng pitong oras na nagumpisa sa bayan ng Paoay bandang 5:10 ng umaga at dumaan sa mga bayan ng Currimao, Batac, San Nicolas, Sarrat ar Laoag City.
Ayon kay Ryan Remigio ng Team BBM Filipinas, mahigit 100,000katao ang nagparehistro para sa nasabing aktibidad sa Ilocos na isinagawa rin sa iba’t-ibang bahagi ng bansa kabilang ang mga probinsiya ng Bataan, Cavite, Abra, at La Union.
Isang kaparehong Unity Ride ang isinagawa sa Ilocos Sur noong Nobyembre 7 na dinaluhan ng higit-kumulang 8,000 kalahok ayon sa mga organizers.
Sa panahon ng motorcade, ilang mga Ilokano ang lumabas ng kanilang mga bahay upang makisaya sa mga dumaraang motorista habang paulit-ulit na isinisigaw ang, “BBM! BBM!”
Nagsigawan din ang mga matatanda ng “Marcos, Marcos pa rin!” Sa daan ay may ilang bahay at establisimiyentong pang-negosyo ang nagpatugtog ng himnong “Bagong Lipunan”, isang popular na makabayang awit sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, ama ni Bongbong.
Sinabi sa isang panayam ni Ilocos Norte Provincial Board member Saul Lazo, isang motorcycle riding enthusiast na lumahok sa aktibidad na ang “aktibidad ay makasaysayan”, na binigyan-pansin ang umaapaw na suporta ng kaniyang ka-probinsiya at iba pang volunteers.
(LA-PNA Ilocos/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon