Beautician, pinagsusuntok at ninakawan

Nadakip ang dalawang suspek na kinabibilangan ng isang menor de edad habang nakatakas ang tatlo pa nilang kasamahan matapos na pinagsusuntok ng mga ito ang isang beautician bago tinangay ang bag nito dakong 1am sa Malcolm Square, Upper Magsaysay Avenue, Baguio City.
Kinilala ang mga suspek na sina Jayson Alonzo Mariano, 20 anyos, single, dishwasher, tubong San Mateo, Isabela at nakatira sa Hanger Market, Hilltop Road, at ang 16 anyos na lalaking kasama nito na tubong Kibungan, Benguet at nakatira sa Purok 2, Zamora Street, habang ang biktima ay si Edison Salvador Aquinoso, 45, single, beautician, tubong Lucena City at kasalukuyang nakatira sa Purok 2, East Bayan Park, Baguio City.
Kwento ng biktima, naghihintay ng taxi upang makauwi nang lumapit ang grupo ng mga lalaki. Isa sa mga lalaki ay niyaya siya para uminom ngunit tumanggi ang biktima at sinabing “next time na lang.” Pagkaraan ng ilang sandali, inatake siya ng mga lalaki mula sa likod at pinagsusuntok sa ulo. Doon na naitakbo ng mga ito ang kanyang sling bag na naglalaman ng cellphone na nagkakahalaga ng P14,000.
Agad namang nakahingi ng saklolo ang biktima at nahuli ang dalawang suspek ngunit nakatakas ang tatlo pa nilang kasamahan. Kinilala at kinumpirma rin ng biktima ang mga suspek. Nabawi rin ang sling bag kasama ang laman nito. Kakasuhan ang mga suspek ng alleged robbery with violence. MYSTICA LAURETA, UC Intern

Amianan Balita Ngayon